Lady Spikers, binura ang pangungulila sa tagumpay kontra Golden Tigresses

Kuha ni Betzaida Ventura

SINAPAWAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang mapupusok na University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 15–25, 25–17, 24–26, 25–20, 16–14, sa kanilang ikalawang banggaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 29.

Nanguna para sa Lady Spikers si Kapitana Angel Canino matapos magtala ng triple double output na 27 puntos, 13 excellent dig, at 13 excellent reception. 

Umagapay rin sa kampanya ng luntiang koponan si opposite hitter Shevana Laput matapos umukit ng 13 marka. 

Pinasan naman ni Golden Tigress Regina Jurado ang lipon ng mga tigre matapos magrehistro ng 22 puntos mula sa 21 atake at isang block.

Maagang sumunog ng time out ang Berde at Puting koponan dulot ng matamlay na pagsalubong sa unang yugto ng bakbakan, 5–12, hanggang sa tuluyan nang sinalakay ni UST open hitter Mabeth Hilongo ang mga taga-Taft sa bisa ng backrow hit, 15–25.

Bitbit ang hangaring makabawi sa unang set, pinagtibay ni Kapitana Canino ang depensa ng Lady Spikers sa net upang palobohin ang kalamangan, 19–10, bago sinikwat ni veteran Jyne Soreño ang ikalawang set gamit ang service ace, 25–17.

Gitgitan naman ang laban sa pagtatapos ng ikatlong set, 24–all, ngunit pinawalang-bisa ng mga taga-España ang pagsisikap ng Taft mainstays matapos paigtingin ang kanilang depensa sa net, 24–26.

“Kalimutan na ang nangyari sa set 3, hindi pa tapos ang laro. Lumaban tayo. Hangga’t maaari, huwag tayong bibitaw,” panghihikayat ni DLSU assistant coach Noel Orcullo sa Taft mainstays sa pagpapatuloy ng laro. 

Binasag naman nina Lady Spiker Amie Provido at Alleiah Malaluan ang mainit na palitan ng puntos kontra UST matapos magpakawala ng umaatikabong spike mula sa gitna at magtala ng dalawang magkasunod na block, 13–10, hanggang sa hinablot na ng Taft mainstays ang ikaapat na set sa bisa ng alas ni playmaker Mikole Reyes, 25–20.

Sumalamin ang dikit na bakbakan sa huling yugto ng salpukan, 12–all, ngunit winakasan ng Taft-based squad ang pagkalupig mula sa mga tigre sa bisa ng magkakasunod na atake ni Laput at kill block ni Provido, 16–14.

Sukbit ang 6-3 panalo-talo baraha, sunod na susuungin ng Taft mainstays ang kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-3:00 n.h. ngayong Miyerkules, Abril 2.