
PINAIGTING ang pagpapaunlad sa makabagong sistema ng pananalapi sa Global Finance Convention (GFC) 2025: Catalyzing Innovation in Modern Finance na pinangunahan ng De La Salle University Management of Financial Institutions Association sa Natividad Fajardo-Rosario Gonzalez Auditorium, Marso 22.
Nagbahagi ng mga sentimiyento sina Katrina Francisco, Climate Change and Sustainability Services partner ng SGV & Co.; Atty. Paolo Montano Ong, assistant director ng Securities and Exchange Commission PhiliFintech Innovation Office; at Miguel Antonio Reyes, treasurer ng Philippine Digital Asset Exchange at chief operating officer ng bonds.ph.
Pagtugon sa hamon ng makabagong pananalapi
Sinimulan ni Marius Panaligan, project head for corporate relations and external relations, ang convention sa taimtim na pasasalamat sa lahat ng bumuo at tumulong maisakatuparan ang GFC 2025. Tiniyak niyang ipagpapatuloy sa ika-siyam na taon ng programa ang masidhing paggabay nito sa mga indibiduwal tungo sa matalinong pananalapi.
Ipinahayag din ni Panaligan ang layunin ng GFC 2025 na pagtibayin ang kaalaman ng mga indibiduwal ukol sa mga makabagong inobasyong huhubog sa pananalapi. Aniya, “Let us take advantage of this opportunity to learn from each other and become a catalyst for change for the future of finance.”
Binigyang-diin naman ni Lyn Javier, assistant governor ng Policy and Specialized Supervision Sub-Sector ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang paglago ng inobasyon sa sektor at industriya ng pagnenegosyo dahil sa makabagong teknolohiya. Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya, ipinaalala niyang ang mapabuti ang kabuhayan ng karamihan ang tunay na sukatan ng progreso.
Inanyayahan niya rin ang mga estudyanteng makiisa sa paghahanap ng solusyon sa makabagong problema upang makabuo ng industriyang pinansiyal na pangmatagalan at bukas para sa lahat.
Kinabukasan ng industriyang pinansiyal
Binuksan ni Francisco ang talakayan tungkol sa pangmatagalang pananalapi habang isinasaalang-alang ang epekto nito sa kalikasan, lipunan, at pamahalaan. Malalim niya ring ipinaliwanag ang iba’t ibang elementong saklaw ng environmental finance tulad ng regulasyon ng carbon emission sa kalikasan at pagbawas sa epekto ng pabago-bagong klima.
Binigyang-pansin din ni Francisco ang kahalagahan ng kolaborasyon mula sa mga sektor ng lipunan upang maisakatuparan ang sustainable finance. Giit niya, “All of these issues are borderless—especially in relation to climate change, it’s going to impact everyone.”
Tinalakay naman ni Ong ang pag-usbong ng artificial intelligence (AI) at ang maitutulong nito sa industriya ng pananalapi. Binanggit niyang wala pang kongkretong depinisyon ang AI sa kasalukuyan dahil hindi pa matukoy ang kaibahan nito sa pangkalahatang teknolohiya. Subalit, binigyang-kahulugan niya ito bilang isang teknolohiyang may kakayahang gayahin ang pagdedesisyon ng tao.
Iminungkahi niya rin sa mga estudyante ang paggamit ng AI bilang isang robo-adviser na kayang magbigay ng payo tungkol sa mga usaping pinansiyal. “You can start investing right away, just by employing AI. It is efficient and automated and you can actually learn from it,” paglalagom niya.
Huli namang nagbigay-aral si Reyes hinggil sa paglalagak ng puhunan gamit ang tokenized bonds. Ibinahagi niyang malaki ang maitutulong nito sa taong mamumuhunan at kompanya dahil madali itong gamitin para magkaroon ng tiyak na kasunduan.
Gayunpaman, inilahad niya rin ang ilang balakid sa paggamit ng tokenized bonds tulad ng regulasyong akma sa mga batas ng iba’t ibang bansa. Wika niya, “This requires a lot of nuance and understanding of the technology risks. [Therefore,] obviously investor education is important.”
Mga baong aral para sa hinaharap
Mula sa panel discussion, ipinabatid ni Reyes ang mga pagbabago sa cryptocurrency mula sa pagiging bitcoin hanggang sa paggamit nito sa pamumuhunan ng mga ari-arian sa mas malawak na merkado. Iginiit niya ring mahalaga ang pagiging matalino sa pananalapi upang matutuhan ang mga aral na ito sa industriyang pinansiyal.
Nagbigay-payo naman si Francisco ukol sa paggawa ng akma at tunay na pagkilos sa mga usaping pangkalikasan. Pagbibigay-diin niya, “Whether you are in finance or in the real economy you need to [take] action. It’s not enough na naghihintayan [ang] lahat, kailangan ng action.”
Gayundin, ipinaalala ni Ong sa mga estudyante na hindi nagtatapos sa kolehiyo ang pagkatuto kundi nagpapatuloy hanggang sa kanilang propesyonal na buhay. Binibigyang-diin niya na ang dedikasyong ipinapakita ng mga estudyante sa pag-aaral ang magtatakda ng kanilang maayos na kinabukasan sa trabaho.
Inilahad ni Ariane Zchanet Hernaez, estudyante mula sa University of the Philippines Los Baños, sa Ang Pahayagang Plaridel na naging malapit sa kaniya ang usapin ng sustainable financing dahil mas mapapangalagaan nito ang kalikasan sa kabila ng limitadong likas na yaman.
Nagpaabot naman ng mensahe sa mga kabataan si Jannah Lucille Valderama, ID 121 mula Bachelor of Science in Legal Management, sa kahalagahan ng matalinong paggastos at pagbadyet ng pera ngayong kolehiyo. “I think it’s better to start early rather than late and to be more financially independent,” pagdidiin niya.
Sa pagtatapos ng programa, hinahangad ni Althea Sameñada, project head for documentations and technology and logistics, na baunin ng mga estudyante ang mga aral na napulot mula sa programa bilang mitsa ng pagbabago para sa hinaharap.
“The future of modern finance is in our hands, and together we have the power to shape it,” pagwawakas Sameñada.