Haginit ng mga palkon: Lady Batters, sinibasib ng Adamson Softball Team

Kuha ni Gaby Arco

NAHADLANGAN ang De La Salle University (DLSU) Lady Batters sa pag-ukit ng panalo ng nagrereynang Adamson University Softball Team, 0–9, sa pagtatapos ng kanilang paghataw sa elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 29.

Maagang napasawalang-bisa ang mga tirada ni DLSU pitcher Joerjette Jordan sa unang inning nang pumukol ng dalawang run ang Adamson mula sa midfield gapper ni Mary Jane Libaton, 0–2.

Nagpatuloy ang paghihikahos ng luntiang kampo sa sumunod na inning dulot ng booted catch ni left fielder Glecilyn Alipato sa pinakawalang fly ball ni Adamson third baseman Neo Mahinay na tumantos ng dalawang run batted in (RBI), 0–4.

Hindi pa rin nakapalag ang opensa ng Lady Batters hanggang sa ikatlong inning matapos masalasa sa patibong ng rising at four seam fastball pitcher na si Glory Alonzo kasabay ng kanilang nagngingitngit na galaw. 

Nagpakitang-gilas naman ang relief pitcher na si Jerryl Duller, ngunit iisang istorya ang inukit ng mga taga-San Marcelino nang muling umarangkada ng center field ground ball ang koponan upang paigtingin ang kalamangan sa ikaapat na inning, 0–8.

Tuluyan nang inihain ng Adamson ang isang tanghaling tagtuyot para sa DLSU upang mapanatili ang walang mantsang talaan, 0–9.

Isiniwalat ni Kapitana Cassandra Inot sa Ang Pahayagang Plaridel na naging mabigat ang kanilang galaw kontra defending champions dahil nabaling ang kanilang atensyon sa posibleng playoffs para sa tansong gantimpala.

Sa muling pagsalang ng Taft-based squad sa buhangin, ani Kapitana Inot sa kaniyang koponan, “Tapangan [ninyo] hanggang matapos ang laro.”

Buhat ang 3–5 panalo-talo kartada, sasalang ang Berde at Puting hanay sa do-or-die bronze playoffs match kontra University of Santo Tomas Tiger Softbelles sa parehong lugar ngayong Martes, Abril 1.