
UMUKIT ng tagumpay ang De La Salle University (DLSU) Green Tennisters matapos puruhan ang hanay ng Ateneo de Manila University Men’s Lawn Tennis Team, 3–2, sa pagtungtong sa huling bahagi ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 29.
Maagang napundi ang nanlalabang tanglaw ni veteran EJ Geluz matapos harapin ang nagngangalit na agilang si JD Velez, 6–3, 0–6, 3–6.
Dinepensahan naman ni Yasaan Al-Anazi ang kuta ng Taft sa ikalawang singles nang sanggain ang bawat nagbabagang tirada ng kinatawan ng Loyola Heights na si Steff Gurria, 6–4, 4–6, 6–4.
Hindi nagpahuli si rookie JT Bernardo sa sagupaan na kinastigo ang bawat alas kontra Ateneo player JB Cuarto, 6–1, 6–0.
Sa kabila ng momentum, nanghina ang mga hiyaw sa dako ng Taft matapos manlumo ang tambalang Fern Po at Marcus Guinoo sa mababagsik na mga hataw nina JJ Llavore at Gian Camingue, 1–6, 2–6.
Sa huli at deciding match, muling namayani ang Berde at Puting koponan nang upusin nina Leyton Portin at Ohye Tortal ang diwa ng nagsanib-puwersang sina Rafa Mendoza at Gab Quintana, 6–1, 6–1.
Dala ang unang panalo sa pagtatapos ng torneo, nananatiling positibo sina rookie Bernardo at beteranong si Geluz sa pagharap ng panibagong kampanya.
Ani Bernardo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), “I guess a key takeaway that [we have is that] we know how it goes now knowing that we’re a relatively new team, like half the team are rookies. So, now that we’ve played this season, we know what it takes and we know what we need to do. I hope that everything that we’ve learned this season correlates to winning next season.”
Ibinunyag naman ni Geluz sa APP na kailangan ng koponang mag-ensayo agad upang maagang maihanda ang kanilang mga sarili para sa susunod na season.
Lumilok ng 1-11 panalo-talo kartada ang Green Tennisters upang wakasan ang kanilang paglalakbay sa naturang kabanata.