
SUMABLAY ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa pagtudla sa mababagsik na University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 22–25, 22–25, 25–16, 22–25, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 29.
Sa kabila ng pagkabigo, naghain si veteran Noel Kampton ng 30 puntos mula sa 27 atake, dalawang ace, at isang block upang pangunahan ang tangkang pag-arangkada ng DLSU.
Kinilala naman bilang Player of the Game si playmaker Dux Yambao matapos umukit ng 26 excellent sets at limang marka.
Matapos umalagwa ng España-based squad sa pagbubukas ng unang yugto, hindi nagpatinag ang tambalang Kampton at Vince Maglinao sa pagsusumite ng sunod-sunod na atake, 9–8, ngunit sinindak nina UST open hitter Josh Ybañez at rookie JJ Macam ang depensa ng Taft mainstays matapos umukit ng mga alas upang tuluyang angkinin ang momentum, 22–25.
Maagang paghihikahos ang lumantad sa hanay ng Green Spikers bunsod ng crosscourt kills ni Season 85 Rookie of the Year Josh Ybañez, 0–5, hanggang sa tuluyang isuko ng luntiang koponan sa mga tigre ang ikalawang yugto, 22–25.
Hindi nagpatinag ang kampo ng DLSU nang magpasiklab si veteran outside spiker Maglinao ng magkakasunod na crosscourt attack, 3–1, agaran namang tinapos ni playmaker Eco Adajar ang ikatlong set sa malinis na service ace, 25–16.
Maagang nawindang ang kampo ng Green Spikers sa huling yugto ng salpukan nang bulagain sila ng mga quick hit na hatid ni Popoy Colinares, 0–4, bago tuluyang mapawalang-bisa ang pagsasanib-puwersa nina Chris Hernandez at Kampton bunsod ng pag-inda sa matatalas na kalmot ng Golden Spikers, 22–25.
Bitbit ang 5–4 panalo-talo kartada, susubukang panain ng Taft-based squad ang bagwis ng kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-9:00 n.u. ngayong Miyerkules, Abril 2.