
INUSISA ang mga posibleng pagbabago sa konstitusyon ng University Student Government (USG) sa ikatlong regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) nitong Marso 12. Tinimbang sa naturang sesyon ang mungkahing pagtanggal sa ilang posisyon sa USG.
Inaprubahan naman sa sesyon ang panukalang naghihimok sa USG na maglabas ng pahayag ukol sa selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan.
Pagbabawas ng posisyon
Inilunsad ang naturang sesyon upang talakayin ang mga probisyong binuo ng De La Salle University (DLSU) USG Law Commission at ad hoc committee ng Constitutional Revisions ukol sa pag-enmiyenda sa USG Constitution. Inimbitahan ang ilang resource speakers upang dinggin ang kanilang saloobin tungkol sa mga panukalang pagbabago.
Kinuwestiyon ni Ystiphen Dela Cruz, 79th ENG, ang epekto ng posibleng pagtanggal sa Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA).
Nilinaw ni Vice President for External Affairs (VPEA) Xymoun Rivera ang esensiya ng opisina bilang koneksiyon ng Pamantasan sa pambansang gobyerno. Pinagtitibay ito ng mga isinagawang proyekto kagaya ng paggunita sa anibersaryo ng EDSA People Power, ID on the Wheels, at Halal Certified Concessionaires. Saad pa niya, hindi maganda ang dulot ng pagtatanggal sa opisina dahil mawawaksi ang representasyon ng estudyante at maaapektuhan ang gampanin ng OVPEA na manguna sa pagbabago ng mga polisiya.
Sang-ayon din si Macie Tarnate, dating VPEA, na walang maidudulot na kabutihan ang ideya. Dagdag pa niya, bibigat ang trabaho ng bawat opisina.
Ipinabatid naman ni dating USG President Raphael Hari-Ong na nararapat magkaroon ng pag-aaral bago magbukas ng diskusyon ukol sa pagbabago ng estruktura ng USG. “Before we propose anything, are there studies made? Are there reasons for these things to remove or dahil ba gusto lang natin ito tanggalin. . . If it’s working perfectly fine here, then why remove something that is not broken?,” pagdidiin ni Hari-Ong.
Pagtanggal sa batch government
Isinalaysay ni FAST2024 Batch Legislator Ken Cayanan na layunin ng paglilipat ng gampanin ng batch vice president sa batch representatives at batch president na palakasin ang suporta para sa maliliit na kolehiyo, kabilang ang Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education.
Ipinabatid ni Aaliyah Villanueva, EDGE2024 batch president, na makatutulong ang bagong estruktura na matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante. Sa kabila nito, inilahad ni Ynara Peñas, FOCUS2024 batch president, na hindi mabuti ang maidudulot ng polisiya sa maliit na kolehiyo dahil mapupunta ang bigat ng gawain sa college president. Saad pa niya, maisasantabi ang pangangailangang nararapat matugunan sa bawat batch.
Pagbabahagi ni Hannah Tayzon, college president ng College of Computer Studies, hindi kakayanin ng college government na tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng bawat batch sakaling pagsasamahin dito ang mga batch government. Giit niya, malaki rin ang posibilidad ng pagdudulot ng iba’t ibang isyu ng polisiya. “Hindi naman consistent ang quality of student leadership every year,” dagdag pa niya.
Sambit naman ni Alfonso Arteta, college president ng Carlos L. Tiu School of Economics, mas magandang ipatuloy ang batch governments dahil agarang nabibigyang-solusyon nito ang hinaing ng kanilang batch.
Pagtutuos sa demokrasya
Itinaas ni Pharell Tacsuan, EXCEL2027, ang pangangailangan ng eleksiyon upang iluklok ang Executive Secretary kompara sa rebisyong appointment na proseso.
Isinalaysay ng nakaraang USG secretary na si Aisha Khan ang kahalagahan ng botohan bilang kapangyarihan ng mga estudyante sa pagpili ng lider. “In the end sino naman yung maapektuhan, it’s the students, not just the University Student Government,” wika niya.
Bukod pa rito, iginiit ni Rivera na maaapektuhan ng appointment process ang kabuoang operasyon ng bawat opisina. Ayon sa kaniya, magiging hamon ang proseso sa demokrasiyang nananalaytay sa mga estudyante.
Binuksan naman ni Jules Valenciano, CATCH2T28, ang usapin ukol sa partisipasyon ng college presidents sa pagluklok ng chief magistrate.
Ibinahagi ni Chief Magistrate Gerard Selga na sa pagrerebisa sa konstitusyon, ilang ulit na ring nabago ang proseso ng pagtatalaga sa posisyong chief magistrate. “As long as there’s a representative body that ensures all questions or all concerns are exhausted to ensure that the magistrates are well vetted for the position that they are going to hold,” saad niya.
Ibang tahak ng solusyon
Ipinabatid din ni Armogenia ang ideya ng Administrative Appeals Board upang gawing mas mabisa ang sistema ng judicial impeachment. Nakapaloob sa naturang board ang kapangyarihan sa mga administrative na desisyon tulad ng pagtanggal, pagsuspende, at paglipat ng mga opisyal.
Pinaboran ni Khan ang pagkakaroon ng kagawaran sa unibersidad na mangangasiwa sa madali at epektibong impeachment. Dagdag pa niya, hindi madali ang proseso at maaaring mapahamak ang estudyante kapag dadaan pa ito sa judicial impeachment.
Nabanggit naman ni Armogenia ang pagtataguyod ng Centralized Department for Finance, Documentation, at Project Management.