
BUMULAGA ang magkasalungat na kapalaran sa De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers matapos pasukuin ang hanay ng Adamson University (AdU) Women’s Chess Team, 4.0–0.0, at mautakan ng Ateneo de Manila University Women’s Chess Team, 1.5–2.5, sa pagtatapos ng single round-robin elimination ng University Athletic Association of the Philippines Women’s Rapid Chess Tournament sa Adamson Gym nitong Huwebes, Marso 26.
Pagragasa sa pugad ng lawin
Maagang pumailanglang ang mga palaso ni DLSU Team Captain Francois Magpily sa kanilang tagisan ni Lady Falcon Mariane Flora, 1–0.
Walang sindak na dinungisan naman ni Lady Woodpusher Rinoa Sadey ang nakaasul na si Angela San Luis upang patuloy na lusubin ang mga palkon, 2–0.
Hindi rin nagpadaig si Checy Telesforo matapos umere ng solidong taktika kontra kay AdU player Phoebie Arellano, 3–0.
Tuluyang winaksi ni Taft-based player Sara Olendo ang namumukadkad na presensiya ng mga taga-San Marcelino sa kanilang teritoryo at sinelyuhan ang malinis na panalo, 4–0.
Tukang ininda mula sa mga agila
Sinuong ni Kapitana Magpily ang mapanlinlang na mga diskarte ni Ateneo player Lexie Hernandez na nagawa niyang tapatan, 0.5–0.5.
Subalit, hindi naging sapat ang mga taktikang pinakawalan ni Lady Woodpusher Lovely Geraldino upang makuha ang bentahe mula sa agilang si Elayza Villa, 0.5–1.5.
Muling sinindihan ni Sadey ang umaandap na diwa ng Taft-based squad matapos maitabla ang talaan kontra sa kinatawan ng Loyola Heights na si Kristine Flores, 1.5–1.5.
Sa kabila nito, hindi na nakaporma pa si Telesforo upang isalba ang luntiang koponan nang harapin ang agilang si Alphecca Gonzalez, 1.5–2.5.
Susulong ang Taft mainstays sa semifinals tangan ang unang puwesto sa pagtatapos ng naturang yugto.