
NAPURNADA ang paghataw ng De La Salle University (DLSU) Green Batters matapos bumuwelta ang naghaharing National University (NU) Bulldogs, 7–11, sa pagsasara ng unang kabanata ng University Athletics Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 26.
Mainit na palitan ng strike out sa unang inning ang pumagitna sa dalawang starting pitcher na sina DLSU Team Captain Agon De Vera at national team player Amiel De Guzman upang painitin ang bakbakan.
Pagdako ng ikalawang inning, itinaguyod ng Jhocson-based squad ang maagang pamamayani mula sa isang ground rule double na pumihit sa ritmo ng Taft mainstays kasabay ng third baseman error mula kay Liam De Vera, 0–2.
Ikinubli na ng NU ang presenya ng Green Batters nang pumukol si Kenneth Maulit ng left-field liner sa ikatlong inning at kumonekta pa ng single at dalawang run batted in (RBI) upang doblehin ang kanilang kalamangan, 0–4.
Pumaniobra ang luntiang koponan sa pagpasok ni reliever pitcher Barry Oñas at tinuldukan ang pag-arangkada ng Bulldogs sa sumunod na inning na sinundan pa ng unang run ng DLSU mula sa isang fly ball sa right field ni L. De Vera, 1–4.
Gayunpaman, nanatiling kontrolado ng defending champions ang bakbakan pagsapit ng ikaanim na inning, 1–7, hanggang sa bumomba ang magkapatid na De Vera ng back-to-back at-bat tungo sa center at right field na pumutol sa kalamangan sa tatlong marka, 4–7.
Muli namang itinarak si Kapitan A. De Vera sa gitna upang patalsikin ang mga pambato ng NU at itabla ang talaan, 7–all.
Pinalawig pa ng dalawang kampo ang pagtutuos matapos ang dikdikang depensang nagparetiro sa mga sumasalang sa plate sa ikawalo at ikasiyam na inning.
Sa kabila nito, nalinlang na ng kapalaran ang Green Batters nang manatiling puno ng runner mula NU ang lahat ng mga base at sunggaban ni Julius Soriano ang pagkakataong maiuwi ang tagumpay sa Jhocson, 7–11.
Babaybayin ng Berde at Puting hanay ang ikalawang bahagi ng torneo sukbit ang ikalawang puwesto sa bisa ng 3–2 panalo-talo kartada.