
IWINAGAYWAY ng De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers ang Berde at Puting bandila kontra Far Eastern University (FEU) Women’s Chess Team, 3.5–0.5, sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Rapid Chess Tournament sa Adamson University Gym, Marso 22.
Tamis ng tagumpay
Agad na nakuha ni DLSU Team Captain Francois Magpily ang kaniyang ritmo matapos kontrolin ang daloy ng salpukan sa bisa ng pagiging agresibo sa unang board kontra Morayta-based player Mhage Sebastian, 1.0–0.0.
Umukit din si Taft-based player Rinoa Sadey ng kaniyang bersiyon ng dominasyon kontra sa taga-Morayta na si Franchesca Largo upang selyuhan ang bentahe sa ikatlong board, 2.0–0.0.
Bigong makabuwelo si Lady Woodpusher Lovely Geraldino sa kaniyang unang sagupaan kontra FEU player Mary Tan, subalit agad din siyang bumangon at ibinulsa ang ikalawang bakbakan upang pundihin ang pag-asa ng Berde at Gintong koponan, 2.5–0.5.
Rumatsada naman si Taft mainstay Checy Telesforo kontra sa pambato ng FEU na si Divine Luna matapos pumailanglang sa unang laban at itabla ang ikalawang duwelo upang tuluyang selyuhan ang tagumpay, 3.5–0.5.
Bagong kabanata
Ipinahayag ni Magpily sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang kagalakan sa kanilang nakamit na panalo kontra defending champions sa nagdaang standard Chess Tournament.
Pagbabahagi pa ni Magpily sa kanilang pagpasok sa panibagong bersiyon ng Chess Tournament, “Expected na namin na kung paano ‘yung standard last [year], hindi siya same ng results sa rapid at blitz kasi malaki ‘yung pagkakaiba at depende sa player kung gamay niya ‘yung time control.”
Tangan ang 1–0 panalo-talo baraha, muling lalarga ang Taft-based squad sa parehong lugar sa ika-10:00 n.u. bukas, Marso 23.