
BIGONG TUDLAIN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang tagumpay kontra defending champions National University (NU) Lady Bulldogs, 19–25, 25–22, 20–25, 18–25, sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 23.
Sa kabila ng pagkatalo, umukit si Kapitana Angel Canino ng double-double output na 15 puntos, 21 excellent reception, at apat na dig.
Pinangunahan naman ni NU Team Captain Bella Belen ang kampanya ng mga bulldog gamit ang kaniyang bersiyon ng double-double na 23 puntos at 17 excellent reception.
Maagang nayanig ang panig ng Taft-based squad matapos ang sunod-sunod na block point ng koponan mula Jhocson at service rally ni Kapitana Belen, 0–3, hanggang sa tuluyang bumigay ang luntiang panig sa mga palo ni NU opposite hitter Alyssa Solomon, 19–25.
Hindi nagpatinag ang Lady Spikers sa isinumiteng bentahe ng NU nang magsalaksak ng back-to-back block points si middle blocker Amie Provido at crosscourt kills si veteran Alleiah Malaluan, 7–2, na tumabla sa talaan sa pagtatapos ng ikalawang yugto, 25–22.
Gitgitang sagupaan ang ipinamalas ng magkabilang koponan sa pagsisimula ng ikatlong set, ngunit mas matulin ang naging takbo ng Lady Bulldogs sa pangunguna ni middle blocker Erin Pangilinan na tinipak ang tirada ni Taft Tower Shevana Laput, 20–25.
Sinupalpal naman ni middle blocker Lilay Del Castillo ang mga taga-Jhocson matapos saraduhan ang atake ni Pangilinan, 6–all, ngunit naglipana ang mga error mula sa panig ng DLSU hanggang sa magwakas ang salpukan pabor sa NU, 18–25.
Tangan ang 5–3 panalo-talo baraha, susubukang bumangon ng Lady Spikers kontra sa nagngangalit na University of Santo Tomas Golden Tigresses sa Smart Araneta Coliseum sa ika-5:00 n.h. ngayong Miyerkules, Marso 26.