Lady at Green Tennisters, nanatiling bilanggo sa laylayan

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

DUMAKO sa magkaparehong direksiyon ang De La Salle University (DLSU) Lady at Green Tennisters matapos magapi ng University of Santo Tomas (UST) Female Tennisters, 2–3, at University of the East (UE) Men’s Lawn Tennis Team, 2–3, sa pagpapatuloy ng ikalawang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 23.

Kinapos na hampas

Unang sumampa ang sugo ng Taft na si Bea Gomez na nagawang pumukol ng pinagsamang apat na puntos sa dalawang set, subalit, hindi ito naging sapat upang ipangtapat sa mga hambalos ni España-based player Kaye Ann Emana, 1–6, 3–6. 

Sa kabilang banda ng kort, kompletong dominasyon ang ibinida ng kinatawan ng España na si Mica Emana matapos makuha ang tamang tiyempo ng drives upang paralisahin si Jam Madis na bigong pumuslit ng puntos para sa luntiang koponan, 0–6, 0–6. 

Gitgitang indayog ng mga raketa ang ipinamalas nina DLSU Team Captain Mikaela Vicencio at  Female Tennister Patricia Lim nang kumarera pa patungong tiebreaker, ngunit matagumpay na iwinagayway ni Vicencio ang Berde at Puting watawat matapos mapaamo ang tigre, 6–3, 7(7)–6(3).

Bagaman bigong makakamada ng puntos sa unang set, 1–6, perpektong koneksiyon ang inilantad ng Taft duo na sina Arianne Nillasca at Amor Idjao matapos ipalasap ang puwersa kina Kryshana Brazal at Princess Dela Rita upang matagumpay na masungkit ang tamang ritmo ng swings, 6–2, 11–9. 

Sunod na sumabak ang kambal na sina Arthea Lu at Althea Lu ng DLSU na naunang makakuha ng puntos mula sa matagumpay na stroke at error ng kabilang koponan, subalit hindi nagpatinag ang samahang Judy Padilla at Princess Gom-os nang manalasa hanggang ikalawang set, 1–6, 0–6.

Napurnadang pagsalakay

Sinemento ni Taft mainstay Yasaan Al-Anazi ang unang panalo ng Green Tennisters sa kabila ng inindang pamumulikat sa huling bahagi ng dikdikang sagupaan kontra sa pambato ng Silangan na si Romeo Largo, 6–2, 7–6.

Nag-iba naman ang ihip ng hangin sa ikalawang singles match nang bumalikwas ang mga tirada ng taga-Taft na si Jose Bernardo matapos salakayin ni UE Warrior JB Aguilar, 0–6, 3–6.

Gayunpaman, tinahak ni DLSU veteran EJ Geluz ang direksyon tungo sa tagumpay nang ilatag ang mga palong nagpaatras sa Recto mainstay na si Marc Nicole Suson, 6–0, 6–4.

Nanlumo naman ang Taft duo na si Leyton Portin at Rupert Tortal sa tangkang pagdakip ng panalo laban sa mga nakapula na sina RJ Baje at Kent Morales, 1–6, 6–4, 8–10.

Tuluyang isinuko ng hukbo ng Taft na sina Kapitan Nonoy Po at Marcus Guinoo ang puting bandera nang dominahin ng Recto-based duo Kiz Bryan Cinco at Mark Dave Palanas ang huling doubles match, 3–6, 6–8.

Kapit sa bingit

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Kapitana Vicencio, nagbigay siya ng mensahe sa sariling koponan. Aniya, “Just do your best sa every point, every game. Saka alam kong kaya nating manalo.”

Para kay Vicencio, bagaman may problema sa lineup, hindi na kailangan ng anomang improvement sa koponan sapagkat maayos na ito at ibinigay naman ng Lady Tennisters ang kanilang pinakamahusay na laro sa bakbakan kontra UST. 

Inilahad naman ni Green Tennister Al-Anazi ang naging sandata niya sa pagkapanalo kontra UE sa kabila ng sinapit na balakid sa huling bahagi ng sagupaan. “Lahat ng crowd dito, namo-motivate ako to push forward. Whatever happens, nandiyan sila. So yeah, I got the win,” sambit ng atleta sa APP.

Matapos bumalikwas ang mga puwersa, bitbit ng Lady Tennisters ang 1–6 panalo-talo kartada, habang nakapako pa rin sa laylayan ng talaan ang Green Tennisters.

Magpapatuloy sa pagdakip ng unang panalo ang Green Tennisters kontra Ateneo de Manila University Men’s Lawn Tennis Team sa parehong lunan sa ika-7:00 n.u. sa darating na Sabado, Marso 29.

Susubukan namang pataubin ng Lady Tennisters ang Ateneo de Manila University Women’s Lawn Tennis Team sa parehong lugar at oras sa darating na Linggo, Marso 30.