Green Woodpushers, umarangkada sa unang araw ng kauna-unahang UAAP Rapid Chess

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

BINUWAL ng De La Salle University (DLSU) Green Woodpushers ang hanay ng Ateneo de Manila University Men’s Chess Team, 3.0–1.0, at lumikha ng tablang talaan kontra University of Santo Tomas (UST) Male Woodpushers, 2.0–all, sa pagsisimula ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Men’s Rapid Chess Tournament sa Adamson University Gym, Marso 22.

Paggapos sa agila

Maagang nadiskaril si Taft-based player Evan Ong sa kaniyang unang sagupaan kontra sa pambato ng Loyola na si Manuel Maglunog, subalit hindi na nag-atubiling isinukbit ang panalo sa ikalawang tapatan, 0.5–0.5.

Salungat na landas naman ang tinahak ni Taft mainstay Cyril Telesforo sa ikalawang board nang pataubin ang nakaasul na si Khalil Kis-ing sa unang duwelo, ngunit kinapos sa ikalawang engkuwentro, 1.0–1.0.

Ipinamalas ng taga-Taft na si Jester Siztoza ang tikas ng kaniyang mga piyesa kontra Loyola mainstay Knarf Batislaong sa una at ikalawang bakbakan upang selyuhan ang bentahe ng Taft sa ikatlong board, 2.0–1.0

Tangan ang momentum, isinilid ni Green Woodpusher Tenshi Biete ang tagumpay kontra sa agilang si Paul Llanillo sa unang board matapos manalo sa parehong salpukan, 3.0–1.0

Pagpurol ng palaso

Matumal ang naging simula ng nakaberdeng si John Valencia matapos pumailalim sa sandatahang pinamunuan ni Male Woodpusher Chester Reyes sa ikalawang board, 0.0–1.0.

Parehong kapalaran ang sinapit ni Green Woodpusher Telesforo kontra UST player Oscar Melito Jr. nang manaig sa unang laban sa bisa ng pawn promotion, subalit nagmaliw rin sa ikalawang bakbakan, 0.5–1.5 

Tumamlay naman si Taft mainstay Sistoza sa unang pakikipagtuos kontra kay España-based player na si Julius Gonzalez, ngunit agad na hinasa ang kaniyang palaso upang maghari sa ikalawang laban, 1.0–2.0.

Bitbit ang hangaring buhayin ang Berde at Puting dilaab, naghimagsik si DLSU player Biete sa kinatawan ng España na si Christian Daluz sa dalawang maaksiyong salpukan upang neutralisahin ang serye, 2.0–2.0

Munting tagumpay

Nakangiting ipinagmalaki ni Ong sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang mga kasama dahil sa tagumpay na kanilang naatim sa unang araw ng torneo.

“I managed to remove all of the pressure and burden since my frosh year loss, and I’m very happy that I was able to contribute to the team now that I’m graduating,” masayang paglalahad ni Ong sa APP buhat ng pagkamit ng kauna-unang panalo sa kabuoan ng kaniyang kampanya sa UAAP. 

Ipagpapatuloy ng Green Woodpushers ang kanilang pag-arangkada sa torneo sa parehong lugar sa ika-10:00 n.u., Marso 23.