
NASUNGKIT ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang panalo matapos pabagsakin ang pangkat ng University of Santo Tomas (UST) Golden Sox, 8–6, sa pagpapatuloy ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 23.
Sinalubong ng luntiang koponan ang umaga sa isang nag-aalab na home run ni Barry Oñas matapos ang over-the-head hit ni DLSU catcher Tuting Samuel sa unang inning, 1–0.
Agad na nahabol ng koponan ng España ang Taft-based squad sa ikalawang inning matapos ang sunod-sunod na strike ball at pulidong palo dahilan upang makasulot ng puntos si Golden Sox Mark Beronilla sa ikatlong inning, 1–all.
Tinangka ng Taft mainstays na patatagin ang kanilang opensa sa ikaapat na inning nang makausad si Green Batter Samuel sa ikalawang base, ngunit nasundan ito ng magkakasunod na error ng Berde at Puting koponan na siyang sinamantala ni UST player Timothy Caldo matapos umukit ng isang puntos, 1–2.
Sa kabila ng low ground hit ni Team Captain Liam De Vera sa ikalimang inning, hindi pa rin ito naging sapat para sa luntiang hanay upang pantayan ang opensa ng UST, 1–3.
Nagpasiklab ng puntos ang mga taga-Taft nang maipasok ni De Vera ang kaniyang palo, ngunit nagkaroon ng error nang sumobra sa takbo ang kalahok na si JR Alcontin dahilan upang matuldukan ang ikaanim na inning, 2–3.
Naibalik ng mga nakaberde ang momentum nang magsimula ang ikapitong inning matapos pangunahan ni Green Batter Marco Flores ang pagsalaksak ng tatlong puntos, 5–4.
Bunsod ng biglang pagbangon ng luntiang koponan, nahirapan nang humabol ang ginintuang hanay nang lisanin ni Pio Villamiel ang kaliwang dako ng field upang makatatlong puntos ang DLSU sa ikasampung inning, 8–6.
Bunsod ng napundar na tagumpay, nanatili ang Green Batters sa ikalawang puwesto ng talaan tangan ang 3-1 panalo-talo kartada.
Sisikapin ng Taft-based squad na ungusan ang defending champions National University Men’s Baseball Team sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. ngayong Miyerkules, Marso 26.