BOWing-bawi: Green Spikers, inilantad ang kahinaan ng Bulldogs

Kuha ni Josh Velasco

DINES-ARMA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang sandata ng defending champions National University (NU)  Bulldogs, 25–22, 25–27, 25–21, 25–17, sa kanilang banggaan sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 23. 

Kinilala bilang Player of the Game si DLSU playmaker Eco Adajar matapos umariba ng 29 excellent set at limang puntos mula sa tatlong atake, isang block, at isang ace.

Hindi naman nagpadaig si DLSU open hitter Noel Kampton nang magsumite ng game-high na 25 puntos mula sa 21 atake, dalawang block, at dalawang ace.

Sa kabilang dako, pinasan ng power hitter duo na sina Jade Disquitado at Michaelo Buddin ang opensa ng Jhocson-based squad bitbit ang pinagsamang 27 puntos. 

Matapos mapiit sa limang bentaheng pinangalagaan ng NU sa unang set, ginising ni playmaker Adajar ang diwa ng Green Spikers upang kumubra ng 14–3 run at sunggaban ang naturang yugto, 25–22. 

Naunang makadaong sa set point ang Bulldogs sa ikalawang yugto sa bisa ng isang block mula kay middle blocker Peng Taguibolos, 22–24, na siya namang sinagot ng DLSU ng parehong atake sa gitna, 24–all, subalit nabigo pa rin ang luntiang koponang maibulsa ang bentahe bunsod ng tatlong magkakasunod na error mula kay JJ Rodriguez, 25–27.

Pumapel na sa sahig si Kapitan Menard Guerrero sa ikatlong set na naging puhunan ng Taft-based squad upang salagin ang mga tirada ng mga taga-Jhocson, 25–21.

Bitbit ang momentum sa nagdaang set, agad na pinuruhan ng Green Spikers ang depensa ng NU sa pangunguna ni veteran Vince Maglinao, 13–8, na nagtuloy-tuloy nang bitawan ni Rodriguez ang isang baon na running attack, 22–14, upang tuluyang gulantangin ang defending champions, 25–17.

Binigyang-diin ni Green Spiker Maglinao sa Ang Pahayagang Plaridel na tiwala sa proseso at sistema ang kanilang panghahawakan sa pagpapatuloy ng torneo. “There’s no holding back,” pag-iiwan ng beterano. 

Tangan ang 5–3 panalo-talo kartada, susubukang patahimikin ng Taft-based squad ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa Smart Araneta Coliseum sa ika-9:00 n.u. sa darating na Sabado, Marso 29.