
NABITIN ang tangkang pagpapatahimik ng De La Salle University Green Tennisters laban sa mapanghimagsik na puwersa ng National University Men’s Lawn Tennis Team, 1–4, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 22.
Maagang nanlumo ang Taft-based squad nang sumalang si Yasaan Al-Anazi sa kamay ng nagngangalit na kinatawan ng Jhocson na si Andre Padao, 2–6, 2–6.
Magkawangis ang tadhanang sumalubong kay Green Tennister JT Bernardo nang manaig ang mga tirada ng Bulldog na si EJ Tugade, 3–6, 3–6.
Panandaliang pumabor ang ihip ng hangin sa Berde at Puting koponan sa pangunguna ni veteran EJ Geluz na agarang pinatumba si Miguel Vicencio, 6–2, 6–2.
Tuluyang nanlata ang diwa ng Taft sa unang doubles match nang dumapa sina Leyton Portin at Nonoy Po sa kamay ng tambalan nina Angil Balaoing at Christian Padilla, 2–6, 3–6.
Hindi na nakabawi pa ang Taft-based squad sa kabila ng tangkang pagtudla nina Darwin Cosca at Steven Yap sa nagsanib-puwersang sina NU player Aljon Talatayod at Gab Bandoquillo, 1–6, 2–6.
Sa kabila ng bigong pagsungkit ng unang panalo, nanatili pa ring positibo si co-captain Rupert Tortal.
Ani ng kapitan sa Ang Pahayagang Plaridel, “Okay, so sa loss namin ngayon, hindi ko naman masasabing sobrang down ‘yung loss namin kasi nakita naman natin na may chance kami sa each game. So siguro for tomorrow, i-bring out na lang namin ‘yung lessons for today na magagamit namin for tomorrow.”
Muling susulong ang Green Tennisters upang matamo ang hinahangad na unang panalo kontra University of the East Men’s Lawn Tennis Team sa ika-2:00 n.h. sa parehong pook bukas, Marso 23.