DLSU Green Batters, humagupit ng panalo kontra Adamson Baseball Team

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

IBINALANDRA ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang kanilang matibay na opensa kontra sa nangatal na Adamson University Baseball Team, 14–6, sa pagbabalik-aksiyon ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 19. 

Maagang inilatag ni Taft mainstay Barry Oñas ang opensa ng DLSU matapos selyuhan ang unang base na agad sinundan nina Agon De Vera at Jose Tantuico upang dalhin si Oñas sa home, 1–0. 

Matapos gantimpalaan ng walk si Green Batter Miguel Agoncillo pagdako ng ikalawang inning, pumorma ng opensa sina Liam De Vera at Pio Villamiel upang punan ang unang dalawang base bago tuluyang pauwiin si Agoncillo na siyang sumiil sa ikalawang bentahe ng Taft-based squad, 2–0.

Nasulot naman ng mga palkon ang momentum sa ikatlong inning nang rumesponde ng puntos si John Matanguihan upang tapyasin sa isang marka ang kalamangan ng mga nakaberde, 2–1.

Umukit ng tig-isang puntos ang magkabilang koponan sa ikalimang inning upang bitbitin ang sagupaan sa dikit na talaan, 3–2, bago nagpasiklab ang DLSU ng tatlong marka sa ikaanim na inning na siyang sinagot naman ng dalawang abante ng Adamson, 6–4.

Nagpumiglas ang San Marcelino mainstays sa pagratsada ng ikapitong inning sa pangunguna ni James Nisnisan na pinagkalooban ng walk bago nakapagpundar ng dalawang run, 6–all. 

Hindi alintana ang dikit na talaan, nagpundar ng isang marka ang Green Batters sa ikawalong inning upang ibalik sa hanay ang angat, 7–6. 

Dinomina ng mga taga-Taft ang pinal na bahagi ng salpukan matapos ang nakakikilabot na grand slam home run na ipinundar ni JR Alcontin upang tuluyang pauwiing luhaan ang mga palkon, 14–6.

Bunsod ng naiukit na tagumpay, kasalukuyang nakaupo ang Green Batters sa ikalawang puwesto ng talaan tangan ang 2-1 panalo-talo baraha. 

Tatangkaing paamuhin ng Berde at Puting koponan ang mabalasik na University of Santo Tomas Golden Sox sa parehong lunan sa ika-10:00 n.u. sa Linggo, Marso 23.