Green Tennisters, napurnada ang pagtudla sa unang panalo 

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

KINAPOS ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Tennisters sa nagpupumiglas na Adamson University Men’s Lawn Tennis Team, 1–4, sa ikalawang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 19.

Kumaripas ng maagang bentahe si veteran EJ Geluz para sa Berde at Puting koponan nang pataubin ang pumapagaspas na si Angelo Rosales, 6–7, 6–2, 3–0.

Rumatsada naman para sa DLSU si Rupert Tortal, subalit kumabig ng panalo si San Marcelino mainstay Ramon Bentillo upang selyuhan ang unang panalo ng mga palkon, 7–5, 2–6, 3–6.

Tinangkang ibalik ni Yasaan Al-Anazi sa direksyon ng tagumpay ang mga taga-Taft, ngunit nahinto ang kaniyang pag-usad nang bumulusok para sa Adamson si Meicoz Candelasa sa ikatlong singles match, 4–6, 4–6.

Umusbong ang pag-asa para sa hukbo ng Taft nang dinomina ng tambalang Leyton Portin at Jose Bernardo ang unang set, ngunit kalaunang napuwing sa balahibo ng mga palkong sina Herald Aton at Emmanuel Pedrosa, 6–4, 3–6, 3–10.

Sa kabila ng pagkaripas nina Taft duo Enzo Enriquez at Marcus Guinoo upang ihawla ang unang panalo ng Green Tennisters, naupos ang ningas ng magkatambal bunsod ng matuling paglipad nina Tristan Correos at Nikko Lumahang, 4–6, 6–3, 10–4. 

Sa kanilang ikasiyam na sunod na pagkatalo, nananatili pa rin ang kumpiyansa ni rookie Bernardo na may pagkakataon pa silang ibangon ang kanilang kampanya ngayong season. 

Ani Bernardo sa Ang Pahayagang Plaridel, “We know we can win. We know how hard we worked for these games. What motivates us is that our standing is really bad and the hard work we’ve put in, including all the training.”

Muling papasada ang Green Tennisters upang ikandado ang kanilang unang panalo kontra National University Men’s Lawn Tennis Team sa ika-2:00 n.h. sa parehong lunan sa Sabado, Marso 22.