
INIHAWLA ng De La Salle University (DLSU) Lady Batters ang umaalagwang Ateneo de Manila University Softball Team, 9–1, sa kanilang muling paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 18.
Pinasimulan ni Kapitana Cassandra Inot ang maagang run ng luntiang hanay at sinigurado naman ni third baseman Tiffany Labargan ang puntos sa unang inning, 1–0.
Patuloy ang paghataw ni Inot matapos niyang kumambiyo ng isa pang backswing, na sinundan ng mga palo ni Lady Batter Jeryll Duller at ng muling pag-alingawngaw ng mga tirada ni Labargan, 3–0.
Pinaliyab ni catcher April Gonzales ang opensa ng DLSU sa ikatlong inning nang magpakawala ng hit na nagbunsod sa sunod-sunod na puntos mula kina Glecilyn Alipato, Jazmin Vizaya, Julianne Moral, at Duller upang tuluyang palobohin ang kanilang kalamangan, 9–0.
Nakapagsalaksak naman ng puntos ang Loyola-based squad sa ikaapat na inning sa bisa ng home run ni baseman Raya Franco, ngunit nanatiling pagal ang puwersa ng mga agila at tuluyang isinuko ang panalo pagpatak ng ikalimang inning mula sa matikas na pitch ni Joerjette Jordan, 9–1.
Malugod namang ibinahagi ni Kapitana Inot sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang naging daan patungo sa kanilang back-to-back win. Aniya, “Ang naging susi namin sa laro [ay] ‘yung teamwork namin. ‘Yon naman ‘yung [pinaka] importante eh.”
Bagamat nalasap ang panalo, isiniwalat din ni Inot sa APP ang mga naging pagkukulang ng kaniyang pangkat. “Hitting talaga at depensa ‘yung kailangan naming pag-igihan. Mas malalakas pa ‘yung mga kalaban namin kaya mas kailangan pa naming pagtibayan ‘yon.”
Bitbit ang 3-3 panalo-talo kartada, susubukang apulahin ng Berde at Puting koponan ang ningas ng University of the Philippines Softball Varsity Team sa ika-10:00 n.u. sa Sabado, Marso 22.