
KUMALAS ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tennisters matapos matimbog sa mga kamay ng University of the Philippines (UP) Men’s Lawn Tennis Team, 1–4, at National University (NU) Women’s Tennis Team, 0–5, sa pagpapatuloy ng ikalawang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 16.
Nanlamuray na taktika
Maagang paghihikahos ang lumantad kay Taft-based tennister Rupert Tortal nang bigong makaporma ng mga tirada kay UP player Lance Fernandez sa pambungad na singles match, 0–6, 1–6.
Sumalamin ang parehong kapalaran sa kamay ni Green Tennister Yassan Al-Nazi matapos ipawalang-bisa ni Miguel Iglupas ang kaniyang inilatag na taktika, 2–6, 2–6.
Napurnada naman ang maagang bentaheng naipundar ni DLSU veteran EJ Geluz sa ikatlong singles match bunsod ng pamamayani ng Iskolar ng bayan na si Loucas Fernandez sa mga sumunod na yugto ng salpukan, 6–4, 1–6, 3–6.
Bagaman selyado na ng UP ang kanilang panalo, hindi pa rin nagpaawat ang luntiang tambalan nina Leyton Portin at Jose Bernardo kontra sa Diliman-based duo na sina Rafael Liangco at Raymund Goco sa unang doubles match, 7–5, 6–2.
Gayunpaman, tuluyang kinapos ang mga pambato ng Taft na sina Darwin Cosca at Marcus Guinoo matapos ipalasap nina Andrei Jarata at Ava Mandac ang mapait na pagkatalo sa panapos na bahagi ng sagupaan, 3–6, 0–6.
Nadiskaril na mga asinta
Matumal ang naging umpisa ng laban para kay Taft mainstay Bea Gomez matapos pataubin ni Jhocson-based tennister Donna Abad, 1–6, 4–6.
Kinulang naman ang puwersa ni Kapitana Maikee Vicencio kontra kay Elsie Abarquez matapos ang higit dalawang oras na sagupaan, 3–6, 5–7.
Sa kabila ng tirik na araw, nanlamig ang mga tirada ni Lady Tennister Jam Madis kontra kay NU player JM Carcueva, 0–6, 1–6.
Hindi rin nakapalag ang tambalang Precious Miranda at Althea Liwag kontra sa dominanteng puwersa nina Jasmine Jaran at Fil Cornell, 2–6, 1–6.
Naging maaksiyon ang huling alas ng Taft-based squad sa presensiya nina Amor Idjao at Arianne Nilasca, ngunit tuluyang sumadsad ang magkatambal sa mga kamay nina Jhocson mainstay Adi Abadia at Rovie Baulate, 6–1, 6–7, 6–10.
Tangkang pag-ahon sa lusak
Sa kabila ng patuloy na pagdausdos, nananatiling positibo ang pananaw ni Green Tennister Portin para sa Berde at Puting koponan at ibinahagi ang kanilang gagawing hakbang para sa kanilang mga susunod na laro. Aniya sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), “To give more intensity [and] more support to each other. [Isipin] na kaya naming mag-compete pa sa ibang teams.”
Matapos bigong makapag-ukit ng panalo kontra NU, isiniwalat naman ni Lady Tennister Miranda ang kanilang alas para makakuha ng panalo sa susunod pa nilang mga laban. “Para sa akin, siguro ano talaga more focus. ‘Yung fighting spirit talagang dapat hindi mawawala. Laban lang kahit sinong makatapat,” sambit ng atleta sa APP.
Bunsod ng pagkasalat sa panalo, nananatili sa laylayan ng talaan ang Green at Lady Tennisters tangan ang 0–8 at 1–5 panalo-talo baraha.
Susubukang makahagip ng tagumpay ng Green Tennisters kontra sa langkay ng Adamson University Men’s Tennis Team sa parehong lunan sa ika-7:00 n.u. sa Miyerkules, Marso 19.
Magbabalik-aksiyon naman ang Lady Tennisters sa ikalawang yugto ng torneo laban sa nagngangalit na University of Santo Tomas Female Tennisters sa parehong lugar at oras sa darating na Linggo, Marso 23.