Lady Spikers, sinalakay nang walang mintis ang Lady Tamaraws

Kuha ni Betzaida Ventura

PINASAWALANG-BISA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang bangis ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25–17, 25–20, 25–22, sa pagwawakas ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 15.

Itinanghal bilang Player of the Game si opposite hitter Shevana Laput matapos maglimbag ng 22 puntos mula sa 18 atake, tatlong block, at isang service ace.

Umagapay rin sina Kapitana Angel Canino at veteran Alleiah Malaluan nang mag-ambag ng pinagsamang 22 puntos.

Sa panig naman ng mga taga-Morayta, nanguna sina winger Faida Bakanke at Gerzel Petallo matapos kumasa ng pinaghalong 17 marka. 

Maagang nagpasiklab ang koponan ng Taft nang simulan ni outside hitter Malaluan ang laro sa bisa ng anim na magkakasunod na service ace na naputol naman bunsod ng block ni Lady Tamaraw Mitzi Panangin,  7–1, ngunit ibinalandra ni Laput ang kaniyang mahahabang galamay upang tipakin ang atake ni Lovely Lopez sa pagtatapos ng unang set, 25–17.

Maagang nangibabaw ang pangkat ng FEU matapos magbitiw ng sunod-sunod na tirada si opposite spiker Bakanke, 5–7, subalit muling kinayod ni Laput ang huling puntos ng ikalawang set upang panatilihin ang Lady Spikers sa komportableng kalamangan, 25–20. 

Gitgitang salpukan ang bumungad sa huling bugso ng duwelo nang matagumpay na idinaplis ng mga taga-Morayta ang bola sa pader ng Taft, 9–12, ngunit naungusan ng Taft-based squad ang FEU nang magpakawala ng magkakasunod na alas si Malaluan, 22–19, bago winakasan ni playmaker Mikole Reyes ang puksaan sa bisa ng 1-2 play, 25–22.

Bunsod ng pagkapanalo, tutungo ang Taft mainstays sa ikalawang yugto bitbit ang 5-2 panalo-talo baraha.