
BINAGTAS ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tennisters ang magkaparehong landas matapos mangatal sa bagsik ng University of Santo Tomas (UST) Male Shuttlers, 0–5, at mapuksa sa hanay ng University of the Philippines (UP) Women’s Lawn Tennis Varsity Team, 2–3, sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 15.
Pumurol na tirada
Agarang naglagablab ang España-based tennister na si Eric Jay Tangub upang pabagsakin ang kinatawan ng Taft na si Yassan Al-Anazi sa unang singles match, 1–6, 1–6.
Umukit din ng parehong kapalaran si Green Tennister Rupert Tortal matapos manlata sa bangis ng tigreng si Nilo Ledama, 1–6, 2–6.
Bumalikwas ang mga tiradang pinakawalan ni Jose Bernardo matapos sugpuin ni UST player Sebastian Santos sa bakbakan sa ikatlong singles, 3–6, 1–6.
Naging maaksiyon naman ang sagupaan nina Taft duo Marcus Guinoo at Darwin Cosca at golden duo Steven Sonsona at Brent Cortes matapos tangkaing tablahin ang talaan, ngunit nanginbabaw pa rin ang lakas ng mga taga-España, 3–6, 6–7.
Tuluyan nang namulupot sa sindak ang Berde at Puting koponan matapos antalahin ang tangkang pagbangon nina EJ Geluz at Enzo Enriquez sa nakasasapaw na puwersa nina Richard Bautista at Geo Serino ng UST, 4–6, 6–7.
Luwag ng kadena
Nagpasiklab si Kapitana Mikee Vicencio ng malalakas na palo kontra Diliman player Julie Cocoy na nagkandado sa unang bentahe ng mga taga-Taft, 6–2, 6–0.
Sa kabila ng maagang angat ng DLSU, lumasap ng mapait na kapalaran si Lady Tennister Althea Liwag nang mapiit ng kinatawan ng UP na si Jufe Cocoy, 1–6, 1–6.
Naaninag din ang pait ng tadhana kay Taft mainstay Jam Madis matapos yumukod sa pambato ng UP na si Gly Guevarra sa ikatlong singles match, 1–6, 1–6.
Nasiil naman ang Taft duo na sina Bea Gomez at Precious Miranda sa kanilang tangkang pagsikwat ng panalo laban kina UP player Janamil Prado at Jesha Cervantes, 2–6, 2–6.
Gayunpaman, nangibabaw ang luntiang tambalan nina Arianne Nillasca at Amor Idjao kontra kina Joshea Malazarte at Sydney Enriquez, 6–7, 6–4, 10–8.
Tanglaw sa pagbagtas
Sa patuloy na pagkapako sa ilalim ng talaan, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Green Tennister Tortal na umaasang makamit na ng kaniyang koponan ang kanilang inaasam na panalo sa torneo.
“Kalaban namin is champion team and may mga games kami na close. Kaya kaunting higpit pa kasi sila ‘yung isa sa pinakamataas na level. Kung may chance kami sa kanila, ibig sabihin may chance rin kami sa iba,” saad ni Tortal.
Malugod namang ibinahagi ni Kapitana Vicencio sa APP ang kaniyang saloobin habang patuloy na nakikipagtagisan sina Idjao at Nillasca. Aniya, “Lakas ng loob—siguro medyo kinulang pa [kami] roon. Patuloy pang lumaban, kagaya nila [Nillasca at Idjao] na lumalaban. Mas lumaban pa para mas manalo next games.”
Sa patuloy na pagsadsad, napasakamay ng Green Tennisters ang 0-7 panalo-talo baraha, habang napako naman sa isang tagumpay ang Lady Tennisters bitbit ang 1-4 panalo-talo kartada.
Susubukang tintahan ng Green at Lady Tennisters ang kanilang talaan sa tangkang pagsupil sa hanay ng University of the Philippines Men’s Lawn Tennis Varsity Team at National University Women’s Tennis Team sa parehong lunan sa ika-2:00 n.h. bukas, Marso 16.