Lady Spikers, niluray ang pugad ng Blue Eagles

Kuha ni Betzaida Ventura

PINURUHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25–15, 25–14, 20–25, 25–19, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 12.

Umariba para sa hukbo ng Taft si opposite spiker Shevana Laput nang maghain ng 25 puntos mula sa 19 na atake, tatlong block, at tatlong ace. 

Hindi naman nagpahuli si Kapitana Angel Canino nang maglatag ng 17 puntos. 

Sa panig ng mga taga-Loyola, nanguna si Team Captain Lyann De Guzman matapos umukit ng 17 puntos para sa koponan.

Nanalasa si De Guzman sa unang bugso ng salpukan nang maglimbag ng apat na puntos na angat sa bisa ng backrow attack, 3–7, subalit dumausdos din matapos mag-imbak ng tatlong sunod-sunod na attack error na siyang sinamantala ni Laput gamit ang atake mula sa likod, 18–13, bago salubungin ng pader ng Taft ang tangkang opensa ng mga agila, 25–15.

Agad namang naramdaman ang presensiya ng Taft tower nang magsanib puwersa sina middle blocker Amie Provido at Kapitana Canino at magrehistro ng sunod-sunod na block point pagdako ng ikalawang set, 6–2, hanggang sa makabuwelo ng panapos na atake si Provido, 25–14.

Gitgitang puksaan ang namayani sa ikatlong yugto nang mamuhunan ang Loyola-based squad sa mga iginatong na opensa at off-the-block hit ni De Guzman, 13–17, bago tuluyang tudlain ang naturang kabanata bunsod ng naglalagablab na crosscourt attack ni Yvana Sulit, 20–25. 

Kaagad na kumolekta ng puntos ang Blue Eagles sa pagratsada ng huling set matapos humataw ng crosscourt attack si opposite hitter Alexis Miner, 4–7, subalit nagsimulang magsalaksak ng back-to-back point si DLSU veteran Alleiah Malaluan, 16–14, at tuluyang sinarahan ang naturang yugto buhat ng pinagtibay na pader ni Provido, 25–19. 

Daing ang kanilang pagkatalo sa ikatlong yugto ng bakbakan, ibinahagi ni DLSU Head Coach Ramil de Jesus ang kaniyang payo para sa koponan upang matagumpay na makabangon sa sumunod na set. Aniya, “Ni-remind ko lang sila na kailangan maniwala kayo sa kaya ninyong gawin.”

Tangan ang  4–2 panalo-talo baraha, tatangkaing araruhin ng Taft-based squad ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum sa ika-3:00 n.h. sa Sabado, Marso 15.