DLSU Lady Batters, nalula sa paglarga ng Adamson Softball Team

Kuha ni Nina Montiero

NAGAPI ang De La Salle University (DLSU) Lady Batters buhat ng matayog na paglipad ng defending champions Adamson University Softball Varsity Team, 0–7, sa pagtatapos ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 11.

Bagaman maagang kinaharap ang hamong makakumpas ng puntos, matagumpay na tinutukan ng Lady Batters ang pagsalo sa mga tira ng San Marcelino-based powerhouse sa pag-arangkada ng unang inning na nagtapos sa tabla, 0–0.

Bigo naman ang Taft mainstays na hadlangan ang opensa ng Adamson sa pag-usad ng ikalawang inning sa pagsalisi ni right fielder Alaiza Talisik, 0–1. 

Sumalang sina Lady Batter Jazmin Visaya, Cassandra Inot, at  Jeryll Duller pagdako ng ikatlong inning bitbit ang pag-asang makaukit ng puntos, subalit namuhunan ang mga palkon sa mga error ng mga manunudla, 0–2. 

Nagimbal ang DLSU sa dominanteng presensya ni Adamson rookie center fielder Jhaycel Roldan na nanguna sa pagtawid ng puntos kaakibat ang tira ni Roma Cruz upang siguruhin ang bentahe ng mga taga-San Marcelino sa pagtatapos na ikalimang inning, 0–6. 

Tuluyang sinelyuhan ng Adamson ang round 1 sweep hango sa panapos na hataw nina Glory Alonzo at Talisik upang ideklara ang kanilang tagumpay sa bisa ng 0–7 mercy rule, 0–7. 

Tangan ang 1–3 panalo-talo kartada, susubukan ng Lady Batters na kumana ng sariwang kampanya sa pagsalubong sa ikalawang yugto ng torneo.