Green Spikers, sinindak ang kampo ng Red Warriors

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

INANTALA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pagsalakay ng University of the East (UE) Red Warriors, 26–24, 25–13, 25–13, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 8.

Pinangunahan ni opposite hitter Michael Fortuna ang opensa ng Berde at Puting koponan tangan ang 13 puntos mula sa 10 atake at tatlong block.

Inakay naman ni UE rookie outside hitter Roy Piojo ang mga nakapula bitbit ang 10 atake. 

Bigong makaporma ang magkabilang panig sa panimulang yugto ng bakbakan, ngunit nagpaliyab ng 6–0 run ang DLSU upang tuluyang hablutin ang unang set sa bisa ng panapos na killer block ni veteran Noel Kampton, 26–24.

Nangibabaw naman ang luntiang bandila nang tambangan ng hanay ang sandatahan ng silangan sa ikalawang bahagi ng sagupaan matapos pumoste si middle blocker Jamiel Rodriguez, 25–13.

Uminit muli ang tapatan ng Taft mainstays at Recto-based squad matapos ang tangkang pag-agaw ng mga mandirigma sa huling set, ngunit tuluyang sinelyuhan ng Green Spikers ang salpukan mula sa atake ni open spiker Iman Hernandez, 25–23.

Sukbit ang pagkapanalo kontra UE, patuloy na paliliparin ng Taft-based squad ang mga palaso upang dagitin ang nagpupumiglas na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-11:00 n.u., sa darating na Miyerkules, Marso 12.