DLSU Lady Batters, bumigay sa patibong ng UP Softball Team

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

SUMADSAD ang De La Salle University (DLSU) Lady Batters sa puwersa ng University of the Philippines (UP) Softball Varsity Team, 0–7, sa kanilang unang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 4.

Nagimbal ang Taft-based squad sa pagsiklab ni UP Pitcher KC Valino nang limitahan lamang niya sa tatlong hit ang Lady Batters sa loob ng anim na inning kasama ang naglalagablab na opensa na naghatid ng 2-for-3 sa batting at dalawang doubles, 0–3.

Napabagal ng DLSU ang pagsalakay ng UP sa kabila ng pinaigting na depensa at pagsisikap ni Joerjette Jordan na pumiglas ng tatlong strike mula sa batter ng Diliman-based squad, subalit dumagundong muli ang depensa ng UP at hinuli ang bawat hit ng Lady Batters sa pagtatapos ng ikaapat na inning, 0–4.

Sinubukang humabol ng luntiang koponan sa depensa ng UP nang mapagbigyan si Jeryll  Duller para makatuntong sa first base, ngunit bigong makapagrehistro ng puntos nang masalo ng UP ang mga sumunod na tirada ng Lady Batters, 0–6.

Tinasahan ng DLSU ang runs batted in ng UP nang masalo ng kanilang depensa ang unang tatlong hit, ngunit nagwakas din kalaunan ang sagupaan pabor sa mga Iska nang magsumite ng home run si Generose Torremocha sa tirada ni Nickole Dela Cruz, 0–7.

Matapos maudlot ang inaasam na magkasunod na panalo ng Lady Batters, nananaig pa rin ang kanilang determinasyon para sa mga susunod na laban.

“Kapag nasisimulan talaga namin nang maayos, tuloy-tuloy lang siya hanggang sa matapos ‘yung laro. Sa next game, patatatagin pa talaga namin ‘yung skills at mental toughness ng team,” saad ni Team Captain Cassandra Inot sa Ang Pahayagang Plaridel.

Tatangkain ng koponan ng Taft na paigtingin ang kasalukuyan nilang kartada na 1–2 kontra defending champions Adamson University Softball Team sa parehong lunan sa ika-12:30 n.h. sa susunod na Martes, Marso 11.