Green Spikers, pinaputla ang ningning ng Fighting Maroons 

Kuha ni Gaby Arco

PINIRINGAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 23–25, 25–13, 26–24, 25–15, sa kanilang unang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 2.

Nangibabaw ang tikas ni DLSU opposite spiker Rui Ventura tangan ang 14 na puntos mula sa siyam na atake, tatlong block, at dalawang ace. 

Uminit din ang mga palad ni Green Spiker Noel Kampton na nagpakawala ng 21 puntos hango sa 17 atake at apat na ace. 

Samantala, pinangunahan naman ni Olayemi Raheem ang tangkang pagpupumiglas ng Diliman-based squad matapos magbandera ng 18 puntos. 

Maagang dinaluhong ng sunod-sunod na error ang hanay ng Taft sa pambungad na yugto, na siyang sinamantala ng kinatawan ng Diliman na si Raheem gamit ang panapos na off-the-block hit, 23–25.

Pumabor naman sa luntiang koponan ang ikalawang set sa bisa ng nakapanggigising-diwang pader ni Ventura, 5–3, bago ganap na sinelyuhan ni middle blocker Joshua Rodriguez ang kalamangan mula sa gitna, 25–13. 

Sumilay muli ang pag-asa sa mga Isko sa ikatlong set nang magpasiklab ng 1-2 play si setter Louise Aballe, 12–13, ngunit nandilim ang kalangitan para sa UP nang sunggaban ng matibay na kill block ni Ventura ang tirada ni Raheem, 26–24.

Umigting ang pananalasa ng Green Spikers sa iba’t ibang bahagi ng kort nang magpasiklab ng quick hit si middle blocker Nath Del Pilar mula sa set ni open hitter Vince Maglinao upang tuluyang tuldukan ang sagupaan, 25–15. 

Buhat ng pagpapakupas sa alab ng Fighting Maroons, umangat ang Green Spikers sa ikalimang puwesto kaakibat ang 2-2 panalo-talo kartada na tatangkain pa nilang hasain kontra University of the East Red Warriors sa parehong lugar sa ika-9:00 ng umaga sa darating na Sabado, Marso 8.