Green at Lady Tennisters, kapuwa nabitag ng katunggali

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

NAPARALISA ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tennisters matapos supilin ng National Univeristy (NU) Men’s Tennis team, 1–4, at dominahin ng University of the Philippines (UP) Women’s Lawn Tennis Varsity Team, 1–4, sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 2.

Palyadong tiyempo

Hindi naging sapat ang pitik ng beteranong si EJ Geluz nang lumihis ang kaniyang mga atake kontra sa kinatawan ng Jhocson na si Andrei Padao, 3–6, 1–6.

Sunod na humataw ang luntiang manlalarong si Yasaan Al-Anazi na bigo ring maglatag ng puntos kontra kay EJ Tugade sa unang set, 0–6, gayundin sa ikalawang set, 2–6.

Binuhay ni DLSU rookie Jonathan Bernardo ang pag-asa ng Taft mainstays nang maglimbag ng isang puntos para sa koponan matapos pansamantalang pahintuin ang momentum ng Bulldogs sa bisa ng mga matagumpay na drive kontra kay Espinosa, 7–5, 6–3. 

Gayunpaman, hindi nakawala ang tambalang Marcus Guinoo at Darwin Cosca kina NU duo Gab Bandoquillo at Aljon Talatayod matapos masubsob sa pinagsamang puwersa ng mga bulldog, 1–6, 5–7.

Sinubukang bumawi nina Leyton Portin at Enzo Enriquez matapos mapagtagumpayan ang ikalawang set kontra kina Angil Balaoing at Christian Padilla, subalit nanaig pa rin ang puwersa ng Jhocson-based squad at tuluyang kinandado ang panalo, 3–6, 6–2, 7–10.

Palasong napigilan

Nabulaga sa pagbubukas ng bakbakan si Lady Tennister Bea Gomez matapos ang maiinit na hataw mula kay Fighting Maroon Joshea Malazarte, 1–6, 0–6.

Sa kabila ng nabiting pag-arangkada, hindi agad nagpatinag si Kapitana Mikee Vicencio sa mga tirada ng kinatawan ng Diliman na si Jufe Cocoy matapos ang kanilang dikit na sagupaan, 3–6, 7–6, 4–6.

Naiba naman ang ihip ng hangin sa tapatan nina Lady Tennister Jam Madis at UP player Ely Guevarra matapos diktahan ng taga-Taft ang daloy ng laban upang ibigay sa luntiang koponan ang kanilang unang panalo sa salpukan, 7–6, 6–2.

Sa kabila nito, nagulantang ang tambalang Althea Liwag at Precious Miranda sa pinagsamang puwersa nina Diliman mainstay Sydney Enriquez at Gia Cari matapos palobohin ang kanilang bentahe, 0–6, 2–6. 

Sa kabila ng mainit na umpisa nina Lady Tennister Arriane Nillasca at Amor Idjao kontra sa tambalang JM Prado at Jesha Cervantes, hindi na napigilan pa ng Taft duo ang pagratsada ng mga Iska at tuluyang bumigay sa huling bahagi ng tapatan, 5–7, 3–6.

Silakbo ng pag-asa

Sa hindi matibag na lose streak ng Green Tennisters, ipinagtapat ni Geluz sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na nahirapan siya sa kaniyang laro kontra NU sapagkat hindi ganoon kahanda ang kaniyang katawan. 

“At least [from] time to time, ‘yung mga rookies namin makaka-experience ng UAAP pressure. Sana malabas nila ‘yung pinaka-best nila against the defending champions,” dagdag pa ni Geluz na kahaharapin ang University of Santo Tomas sa parehong lunan sa ika-7:30 n.u. sa darating na Linggo, Marso 9.

Masaya namang isinalaysay ni Madis ang makabuluhang kampanya ng Lady Tennisters laban sa UP kahit naudlot ang pagkamit sa asam na panalo.

“Sinasabi sa’kin ng coaches [na] no pressure dapat lagi. Ang ginawa ko kanina, nag-smile lang. I enjoyed the game, so that I can win it. Kaya maganda naman ‘yung play,” sambit ni Madis sa APP.

Bitbitbitin ng Lady Tennisters ang 1-3 panalo talo kartada sa nakatakdang pagsisimula ng ikalawang kabanata ng torneo.