DLSU Green Batters, binulabog ang hawla ng Ateneo Baseball Team

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

PUMAILANGLANG ang De La Salle University Green Batters kontra Ateneo de Manila University Baseball Team, 9–1, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Marso 2. 

Hindi nagsayang ng oras ang Taft mainstays sa pagpapahirap sa mga agila matapos akuhin ni Yuan Sumague ang first run sa pambungad na inning, 1–0.

Namuhunan din ang mga nakaberde sa sunod-sunod na mga error ng Loyola-based squad na sinabayan pa ng pagtawid ni Liam De Vera sa home plate, 2–0.

Sa huling bahagi ng first inning, panandaliang umayon ang tadhana para sa Loyola mainstays nang sumulong si Ateneo player Pop Bernardo sa second at third base, 2–1.

Sa kabila ng pagratsada ng mga agila, pinaigting ng koponan ng Taft ang kanilang depensa pagdako ng ikatlong inning na nagbigay-daan upang makapuntos si Ezykiel Bautista at makaabante si Miguel Agoncillo sa second at third base, 3–1.

Hindi natinag ang diwa ng Green Batters sa pagsiklab ng ikaapat na inning matapos marating ni senior infielder JR Alcontin ang first base dahilan upang makabalik ang luntiang hanay sa home, 6–1.

Sa kabila ng dalawang quick out ng Ateneo pagdako ng ikalimang inning, pumabor pa rin ang ihip ng hangin sa hanay ng Berde at Puti bunsod ng wild pitch upang tuluyang siilin ang kaning unang tagumpay sa torneo, 9–1. 

Bitbit ang 1-1 panalo talo kartada, sunod na makahaharap ng Green Batters ang langkay ng Adamson University Baseball Team sa parehong pook sa Marso 19.