Green at Lady Tennisters, lumagapak sa lusak

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

UMUKIT ng magkaparehong kapalaran ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tennisters matapos malula sa lipad ng Ateneo de Manila University Men’s Tennis Team, 2–3, at mabingi sa kahol ng defending champions National University (NU) Women’s Tennis Team, 1–4, sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Marso 1.

Pagsilay ng pangarap

Pinangunahan ng beteranong si EJ Geluz ang pagsalakay ng luntiang koponan nang pataubin ang maliksing kinatawan ng Loyola Heights na si Stef Gurria sa unang singles match, 6–1, 7–5.

Nasangga naman ang mga palasong pinakawalan ni Rupert Tortal kontra kay UP player JJ Llavore, 3–6, 1–6. 

Sinubukang ituwid ni Yasaan Al-Anazi ang direksyon para sa mga taga-Taft, ngunit natuldukan ang kaniyang pagsiklab nang mapuwing sa agilang si JD Velez, 3–6, 3–6.

Gayunpaman, umusbong ang pag-asa para sa DLSU matapos ihawla ng tambalang Leyton Portin at Marcus Guinoo ang nagpupumiglas na sina JB Cuarto at Rafa Mendoza, 6–3, 6–1.

Sa kabila ng paggapang nina Darwin Cosca at Jose Bernardo papunta sa inaasam na unang panalo ng Green Tennisters, nabitin ang Taft duo sa paghuli kina Aidyll Ignacio at Gian Camingue at tuluyang isinuko ang bakbakan sa kamay ng mga karibal,  6–7, 6–7.

Kinalawang na palaso

Pinatahimik ni Kapitana Mikee Vicencio ang naghuhumiyaw na NU player na si Danna Abad upang simulan ang nag-aalab na tapatan ng mga taga-Taft kontra Jhocson mainstays, 6–3, 6–3.

Samantala, nagpamalas ng bagsik si Jessica Carcueva matapos sugpuin si Lady Tennister Precious Miranda, 0–6, 1–6.

Sumala rin ang mga palasong pinakawalan ng kinatawan ng Berde at Puting koponan na si Jam Madis nang burahin ni NU player Elsie Abarquez ang ipinundar na kalamangan, 6–4, 4–6, 2–6.

Tumahak din ng parehong landas ang tambalan nina Amor Idjao at Arriane Nillasca matapos mamutla sa bangis ng nakaasul na sina Aji Abadia at Rovie Baulete, 4–6, 0–6.

Tuluyan nang isinuko ng kambal mula Taft na sina Arthea at Althea Lu ang bakbakan nang lipulin nina Jhocson duo Jasmine Jaran at Julia Carvajal, 1–6, 1–6.

Pagtuklas ng tamang ritmo

Sa kanilang pang-apat na sunod na pagkatalo, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Cosca na bitbit ang pag-asang makuha ang unang panalo ng Taft-based squad, gayundin ang mga aral mula sa kanilang mga pagkabigo. 

“Sa bawat talo, may natututuhan kami. Sana ma-apply namin ang mga natutuhan namin sa [mga] susunod na laban,” saad ni Cosca sa APP.

Malugod namang ibinahagi ni Kapitana Vicencio na maganda ang naging resulta ng kanilang sagupaan kontra defending champions sa kabila ng nabiting kampanya.

Ani Vicencio sa APP, “Good matches lahat, sobrang sayang kasi we’re up, and we thought we could beat NU kasi ang ganda ng laban. Ang adjustment naman namin, I think is ‘yung lineup then fight more.” 

Dala ang pangungulila sa unang panalo, tatangkaing wakasan ng Green Tennisters ang kanilang 0-4 lose streak kontra National University Men’s Tennis Team sa parehong lunan sa ika-7:30 n.u. bukas, Marso 2.

Samantala, susubukang paliyabin ng Lady Tennisters ang Berde at Puting alab upang puksain ang hanay ng UP Women’s Lawn Tennis Varsity Team sa parehong oras at lugar bukas, Marso 2.