
PINAHIHIRAPAN ng sistema ng enlistment ang mga estudyante ng De La Salle University (DLSU) bunsod ng kaliwa’t kanang aberya sa mga website ng Pamantasan, mga kulang na slot sa mga kurso, at mabagal o pabago-bagong proseso kada termino.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Vice President for Internal Affairs Josel Bautista, ipinaliwanag niya ang mga gampanin at proyekto ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA) bilang opisinang nangunguna sa pagpapabuti ng karanasan ng mga estudyante sa enlistment. Samantala, ipinaabot din ng ilang estudyante ang kanilang mga hinaing sa naturang sistema.
Tugon ng OVPIA
Binigyang-estruktura ni Bautista ang Student Services (SS) Team ng OVPIA na naglilingkod sa bawat college student government (CSG) at batch student government (BSG). Inihahandog nila ang mga online na Lasallian at Enlistment Resources Kit para sa gabay ng mga Lasalyano tuwing enlistment.
Tungkulin din ng SS Team na sagutin ang mga katanungan ng mga estudyante hinggil sa enlistment gamit ang general concern form, mga pisikal na SS Booth, at bagong lunsad na iNeed Assist Program.
Ibinahagi rin ni Bautista ang Boses Mo, Lakas Mo: Post Pre-Enlistment Survey ng kanilang research and development team. Layon nitong dinggin ang problema at rekomendasyon ng mga estudyante sa enlistment. Iniuulat nila ang mga nakalap na datos sa Enrollment Council na kinabibilangan ng Finance and Accounting Office, Information Technology Services, Office of the University Registrar, at mga departamento ng DLSU.
Binabalak ng OVPIA na buksan ang naturang sarbey sa AnimoSpace upang maabot ang mas maraming estudyante. Saad ni Bautista, “Kinakailangan pang pataasin ang bilang [ng mga tumutugon sa sarbey] upang mas kongkreto at wasto ang magiging basehan ng aming mga suhestiyon [sa administrasyon ng Pamantasan].”
Ipinahayag din ni Bautista na marami pang kinakailangang isaayos sa sistema ng enlistment sa DLSU. Isiniwalat niyang karaniwang hinaing ng mga estudyante ang pagloloko ng mga online server, pagkakaroon ng clearance hold, at pagkaubos ng slot sa mga klase, lalo na sa mga physical education course.
Nakikipag-ugnayan ang OVPIA sa Lasallian Core Curriculum Office para sa pagdaragdag ng mga general education course alinsunod sa kanilang mga natatanggap na petisyon. Gayunpaman, nakabatay lamang ang mga slot ng bawat kurso sa datos ng pre-enlistment, kapasidad ng mga silid-aralan, at sapat na bilang ng mga propesor.
Ipinagbigay-alam ni Bautista sa mga estudyanteng maaari silang dumulog sa SS Team para sa anomang problema sa enlistment. Nag-abiso naman siyang lumapit sa mga CSG o BSG para sa mga akademikong suliranin, kagaya ng kakulangan ng mga slot sa major courses dahil sa matibay na ugnayan ng mga ito sa mga departamento.
Danas ng mga Lasalyano
Inilahad ni Rommel Calderon Jr., ID 122 mula Bachelor of Science Major in Business Management, na nagiging sanhi ang kakulangan ng slot sa pagkuha ng mga kursong hindi naaayon sa kaniyang flowchart.
Punto pa ni Calderon, “[Kinakailangan] ang pag-update at pagbabago ng software system at website [sa Pamantasan], pati na rin ang pagpapalakas ng server capacity para sa enlistment. . . Ang bilang ng mga na-a-admit na mga Lasalyanong mag-aaral ay hindi paurong, bagkus ay lumolobo pa ito.”
Idinaing naman ni Aaron James Capinpin, ID 122 mula Bachelor of Science Major in Computer Engineering, ang mental na dagok ng enlistment para sa mga hindi bahagi ng dean’s list at ang patuloy na kawalan ng slot sa mga kurso sa kabila ng pre-enlistment.
Ingay sa COS
Umani ng mga reaksiyon ng pagkadismaya mula sa mga estudyante ng College of Science (COS) ang inanunsiyong pagpapatupad ng course block enlistment sa kolehiyo bago ito tuluyang iwaksi nitong Setyembre. Nagtakda ito ng mga kurso para sa bawat block section at nagmandato sa mga iregular na estudyanteng sumailalim sa academic advising, course petitioning, at intercollege enlistment.
Mariin itong tinutulan ni Cedric Co, ID 122 mula Bachelor of Science in Biology Major in Medical Biology, dahil sa banta nito sa karapatan ng mga estudyante sa de kalidad na edukasyon. Pagbibigay-diin niya, “Ang block enlistment system ay paraan lamang para gipitin ang mga mag-aaral na irregular, delayed, shiftees, at mga ‘di na nakasunod sa flowchart.”
Kinondena naman ni Annika Ararao, ID 123 mula Bachelor of Science in Biology Major in Molecular Biology and Biotechnology, ang pagsasawalang-bahala ng naturang sistema sa karapatan ng mga estudyanteng pumili ng kanilang mga propesor at iskedyul.
Iginiit din ni Ararao na nagdulot ang biglaang pag-anunsiyo sa course block enlistment ng kaguluhan sa mga estudyanteng napuwersang tanggapin ang bagong impormasyon ukol sa nakagawiang proseso. Matatandaang inilatag ang mga mekanismo nito isang araw bago ang simula ng enlistment para sa unang termino ng akademikong taon 2024–2025.
Kasunod ng pagbasura sa sistema, iminamandato na ang college pre-enlistment para sa tiyak na bilang ng slots sa mga kurso ng COS. Bukod pa ito sa pangkalahatang pre-enlistment ng Office of the University Registrar sa Animo.Sys.