
Umaalingawngaw ang pagtangis ng mga aso’t pusang naiwang walang tahanan. Patuloy nilang tinatahak ang mapanganib na daan bitbit ang mga sugat ng laban sa araw-araw na pag-iral. Mababakas man sa kanilang mga mata ang takot at lungkot, hindi pa rin nila tinatalikuran ang pag-asang makatagpo ng mapag-arugang lipunan.
Sa gitna ng magulong mundong kanilang ginagalawan, may mga pusong handang mag-alay ng kanlungan. Kumakatawan sa isang malakas na boses para sa mga hindi marinig na hayop ang organisasyong De La Salle University Professors for the Upliftment of Society’s Animals (DLSU PUSA) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Laureen Velasco. Nagsilbing ningas ang kaniyang pagmamahal sa tuluyang pagpapasiklab sa apoy ng adbokasiyang pangalagaan ang mga pusa at lahat ng hayop sa paligid ng Pamantasan.
Silahis ng liwanag
Likas na nananahan ang kalinga sa taong dalisay ang puso. Makabuluhang isinalaysay ni Velasco sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang nakaaantig na misyon para sa kapakanan ng mga hayop. Sumibol ang kaniyang personal na adbokasiya nang bumisita sa kaniya ang tagapangulo ng Department of Philosophy upang humingi ng tulong sa pagpapakapon ng dalawang nailigtas na pusa noong 2014. Dulot ng hindi matatawarang empatiya, mas lumago ang kaniyang pagnanais na magdulot ng pagbabago sa buhay ng mga hayop. Pagbabahagi niya, “I started doing my quarterly kapon in my subdivision in 2014. So, roon nagsimula. Sabi niya, ‘Bakit hindi natin gawin sa La Salle?’”
Kasama ang ibang mga propesor mula sa Department of Philosophy, napagpasiyahan nilang ipakapon ang lahat ng pusang namamalagi sa Pamantasan. Ito ang nag-udyok sa kanilang itaguyod ang organisasyon sa ilalim ng kanilang departamento. Sa kasalukuyan, higit kumulang 60 pusa ang nasa kalinga ng naturang organisasyon.
Malugod ding ibinahagi ni Velasco ang kanilang pagtutol sa planong pagkulong ng mga ibon sa M Lhuillier Botanical Garden ng Pamantasan. Bilang tagapagsulong ng pangangalaga sa hayop, mariin nilang tinututulan ang anomang pumipigil sa likas na pamumuhay ng mga ibon—isang malasakit na sumasaklaw sa bawat nilalang, anoman ang kanilang anyo o tinig. Pagtindig ni Velasco, “‘Yung birds who were supposed to be brought to the botanical garden, DLSU PUSA was the one who made the position paper to oppose that.”
Sa hirap at ginhawa
Malayo pa ang tatahakin, ngunit malayo na rin ang narating ng DLSU PUSA sa loob ng siyam na taon mula noong itinatag ito. Gayunpaman, hindi naging madali ang pagtataguyod ng kanilang adbokasiya, sapagkat samot-saring mga hamon ang hinarap at patuloy na nagsisilbing balakid sa organisasyon.
Isiniwalat ni Velasco na hindi kailanman mawawala ang mga pinansiyal na pagsubok sa ganitong hangarin. Mula sa pagbili ng pagkain ng mga pusa at pagsunteto para sa mga bakuna, kapon, o mamahaling gastusin sa beterinaryo, nanggagaling ang karamihan ng mga pantustos sa pangangailangan ng mga hayop sa sarili nilang bulsa. Pinabulaanan niya ang inaakala ng nakararaming sagot ng Pamantasan ang pagpapatupad ng mga inisyatiba ng grupo. Kaya naman, malaking tulong para sa organisasyon ang mga donasyon, boluntaryo, at patuloy na suporta mula sa mga kapuwa may malasakit sa mga hayop.
Ibinunyag din ni Velasco na isa pang suliranin ng DLSU PUSA ang pag-abandona ng mga tao sa mga pusa sa loob ng Pamantasan. May mga pagkakataong nasasagasaan ng sasakyan ang mga pusa sa kalsada. Binigyang-diin ni Velasco na resulta ang trahedyang ito ng kakulangan ng kabutihan mula sa ibang tao. Babala ng propesor, “Just because they dump [them, it] does not mean the cats are safe.”
Gayunpaman, nananatiling matatag at buo ang dedikasyon ni Velasco sa kaniyang misyon. Kahit walang pahinga sa loob ng ilang taon, nagkaroon ng pandemya at binaha mula sa mga nagdaang bagyo, walang humpay ang kaniyang pag-aaruga sa mga minamahal na pusa. Pagwika niya, “I cannot stop doing what I’m doing despite the challenges, problems, difficulties, fatigue, and expenses, because it [would feel] like betraying myself.”
Tawag ng pagkalinga
Nagseserbisyo nang walang hinihintay na kapalit; sapat na ang kaligayahang isang buhay ng hayop ang muli nilang nabago at naisalba.
Bagaman hindi madali ang pagpapatuloy ng adbokasiyang ito, nananalig si Velasco sa busilak na puso ng mga tao. Hindi naglalaho ang tiwala ni Velasco na gaya niya, marami rin ang bukas-palad na magbabahagi ng kanilang sarili sa dumaraming hayop na nangangailangan ng kaligtasan at pagmamahal mula sa kaingayan ng kalsada. Pahayag niya, “I hope this tribe will increase, because we really need more compassionate people.”
Ipinabatid naman ni Velasco na hindi lamang sa pinansiyal na paraan makaaagapay ang mga nagmamalasakit sa DLSU PUSA. Inilahad niyang malaking tulong para sa grupo ang simpleng pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa kanila, kagaya ng proseso ng pag-ampon sa kanilang mga pusa, upang maging tulay sa paghahatid ng mensahe ng organisasyon sa mas nakararami.
Sa bawat pagkilos na nagmumula sa pagkalinga, naitatanghal ang isang mas makatarungan at makataong pakikitungo sa mga nilalang na pinagkaitan ng kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa mundong ginagalawan.