Green Tennisters, yumukod sa Adamson Men’s Tennis Team

Kuha ni Niña Montiero

KINULANG ang talas ng pana ng De La Salle Universiry (DLSU) Green Tennisters sa tikas ng Adamson University (AdU) Men’s Lawn Tennis Team, 1–4, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center kahapon, Pebrero 26.

Pumalpak na salpak

Nagsimula ang umaga ng Green Tennisters sa isang kapana-panabik na puksaan nang mapagtagumpayan ni veteran EJ Geluz ang unang sabak kontra kay Adamson Falcon Herald Aton, 6–1, 6–3. 

Sa kabilang dako, namurol ang mga tirada ni DLSU player Yasaan Al-Anazi sa hindi matigil-tigil na sumpungan ng bagsik na inabot ng mahigit dalawa’t kalahating oras laban kay Ramon Bentillo, 5–6, 6–4, 4–6.

Sinubukang tahasin ng koponan ng Taft ang panalo nang habulin ni Jose Bernardo ang bawat tirada sa unang bugso ng ikatlong singles, ngunit tuluyang pumiglas sa dahas ng taga-San Marcelino na si Meicoz Candelaza, 4–6, 1–4. 

Sumilay ang pag-asa sa hanay ng DLSU Green Tennisters matapos angkinin ng tambalang Leyton Portin at Enzo Enriquez ang buong puntos sa unang set, ngunit bigo nilang itong panatilihin nang rumatsada ang Adamson duo na sina Angelo Rosales at Emmanuel Pedrosa sa sumunod na dalawang yugto, 6–0, 2–6, 6–10. 

Tuluyan namang nasilaw sa tirik ng araw ang Taft-based duo na sina Darwin Cosca at Marcus Guinoo nang angkinin nina Nikko Lumahang at Tristan Correos ang huling sagupaan para sa doubles round, 6–0, 6–0. 

Tirada ng pag-asa

Sa sunod-sunod na pagkabigo ng luntiang koponan, nag-iwan ng mensahe si Green Tennister EJ Geluz upang buhayin ang pag-asa ng kaniyang koponan. Aniya sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), “Sa susunod na laban, mas pag-iigihan pa namin ‘yung preparation. Hopefully, sa susunod na laro sa Sabado, manalo na kami.”

Isinaad din ni Geluz sa APP ang dahas at kaba ng kaniyang koponan sa nakaraang pagkatalo, ngunit hindi siya nagpatinag matapos niyang dominahin ang unang singles match sa ikatlong araw ng torneo.

Bitbit ang 0-3 panalo talo kartada, susubukan ng Green Tennisters na panain ang kanilang unang tagumpay kontra Ateneo de Manila University Men’s Tennis Team sa parehong lugar sa ika-7:30 n.u. ngayong Sabado, Marso 1.