
Malawak ang paggalaw ng isang sakit sa bansa at unti-unting nagpapakilala bilang panibagong banta sa buhay ng publiko. Naitala ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng mpox sa Pilipinas kasunod ng ikalawang deklarasyon ng World Health Organization (WHO) dito bilang isang global public health emergency noong Agosto 2024. Ayon naman kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, pumalo na sa 52 ang naiulat na kaso ng mpox sa bansa nitong Disyembre 17.
Bukod sa pag-usbong ng mpox bilang isang kritikal na kasong pangkalusugan, naging talamak din ang maling impormasyon ukol sa sakit. Ilan dito ang mga haka hakang nagtuturo sa mga bakuna ng COVID-19 bilang sanhi ng pagkalat ng mpox na pinabulaanan ni DOH Spokesperson Albert Domingo at ang pagturing sa mga butlig sa katawan bilang sintomas nito. Sa pagsasanib ng dalawang peligrosong isyu sa Pilipinas, kinakailangan ang masusing pagtiyak na tamang impormasyon hinggil sa banta ng naturang sakit ang dumadaloy tungo sa kaalaman ng mga Pilipino.
Anino ng tusong kondisyon
Nagmula ang nakahahawang sakit sa monkeypox virus at may dalawang pangunahing uri—ang clade I at clade II. Lubhang kumalat sa buong mundo ang subtype clade IIb strain na naging dahilan upang unang ideklara ng WHO bilang public health emergency ang mpox mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2023. Sa likod ng muling pag-anunsiyo ng WHO sa kritikal na bantang hatid ng mpox, lalong umigting ang pananalasa ng nasabing sakit bunsod ng paglaganap ng iba pa nitong strain sa mas maraming bahagi ng mundo.
Kaagad na ipinunto ni DOH Undersecretary Gloria Balboa ang pagkakaiba ng paraan ng pagpapasa ng mpox kompara sa COVID-19. Pahayag niya sa idinaos na pagupulong ng Metro Manila Health Council nito ring Agosto, “This one [mpox] is skin-to-skin. Close intimate contact ang kaniyang mode of transmission.” Binigyang-lalim pa ng WHO na maaaring makuha ang sakit mula sa malapitang pakikipag-usap sa mga mayroon nito at paghawak sa mga bagay na kontaminado ng virus. Posibleng makaranas ng sintomas ng mpox, gaya ng rashes, namamagang kulani, at lagnat ang apektadong indibidwal mula isa hanggang 21 araw matapos mahawa.
Binigyang-diin din ng WHO ang pangangailangan para sa mas masusing pagsusuri upang matukoy ang pagkakaroon ng mpox, sapagkat maihahalintulad din ang mga senyales nito sa ibang karamdaman, tulad ng bulutong, tigdas, sexually transmitted infection, at alerdyi. Mahigpit na inirerekomenda ng organisasyon sa mga posibleng mayroon ng naturang sakit na maagang tumungo sa mga ospital upang maagapan ang paglala o pagkalat nito.
Sandata ng lokal na pamahalaan
Tiniyak ni Union of Local Authorities of the Philippines President Dax Cua na may kahandaan ang mga lokal na pamahalaan at ospital na tugunan ang mpox dahil sa kanilang karanasan sa COVID-19 pandemic. Kaagapay nito, ipinabatid ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ang mga inoobserbahan nilang tuntunin upang mabigyang-proteksiyon ang mga kawani at pasyente ng ospital na bahagi ng kanilang preparasyon sa paglaban sa mpox. Kabilang dito ang paghingi ng OMMC sa DOH ng mga bakunang panangga sa nasabing sakit.
Inabisuhan din ni OMMC Infection Prevention and Control Unit Vice Chairman Dr. Marlon Arcegono ang publikong mag-ingat at maging mapagmatyag sa pakikisalamuha sa ibang tao upang hindi mahawa sa mpox. Pagbibigay-diin ni Arcegono, batay sa ulat ng Manila Bulletin, “Do not believe in myths or superstitions and avoid consulting albularyo and quack healers if you have symptoms of mpox. It’s important to seek help from doctors like us here at [the] OMMC for the right treatment.”
Bukod sa lungsod ng Maynila, nagpatupad din ng mga mas mahigpit na aksiyon ang ibang lokal na pamahalaan, gaya ng lungsod ng Quezon, upang maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Mula nang makapagtala ng unang kaso ng mpox ang naturang lugar, lumikha na ito ng task force na tumututok sa pagkontrol ng sakit sa ilalim ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 19, Serye ng 2024. Inatasan din ni Quezon Mayor Joy Belmonte ang mga may-ari ng mga establisimyentong pinaglagian ng mga nagkaroon ng mpox sa lungsod na makipagtulungan sa isinasagawa nilang contact tracing.
Umaaligid na kasabwat
Para sa mamamayang posibleng maging apektado ng mpox, tulad ni Misty Perez, hinahangad niya ang pagpapaigting ng mga lokal na pamahalaan sa mga proyekto para sa pamamahagi ng tamang impormasyon tungkol dito. Ibinahagi ni Perez sa Ang Pahayagang Plaridel na bagaman may kaalaman siya hinggil sa nasabing sakit mula sa mga balita at pananaliksik, mahalaga pa ring ipaunawa ng mga Local Government Unit sa kani-kanilang nasasakupan ang mga makabuluhang detalye ukol dito.
Sa kabila naman ng mga ginagawang hakbang ng gobyerno, ipinarating ni Perez ang kaniyang nakikitang kakalungan para sa maagap na pagtugon sa pangamba ng mpox at binigyang-halaga ang pagpapabilis ng proseso ng pamamahagi ng bakuna para dito. Giit ni Perez, “Makatutulong [itong mga bakuna] para maprotektahan hindi lang ‘yung mga apektado ng virus, [kundi] maging ‘yung mga at risk din, tulad ng mga bata, matanda, at mahina ang immune system.”
Mahalagang nagagampanan ng bawat sektor ng lipunan ang kani-kanilang tungkulin sa tuwing lumilitaw ang mga kritikal na bantang pangkalusugan, tulad ng mpox. Sakaling tratuhin ang tahimik na gumagalang sakit nang walang bahid ng pagkaalerto sa kabila ng pananalasa nito sa ibang bansa, tataas ang antas ng kahirapan sa pagtugon sa nakaaalarmang epektong maidudulot nito sa mga Pilipino.
Katuwang ng pagtutok sa naturang sakit bilang isang suliraning pangkalusugan, umuusbong ang pangangailangang higit na pakatutukan ang paniniguradong naaabot ng tamang impormasyon ang bawat isa. Sa panahon ng malawakang pagkalat ng mga pekeng detalyeng nagbibigay-takot sa publiko, inaasahang mas mararamdaman ang mga inisyatiba ng pambansa at mga lokal na pamahalaan upang madagdagan ang kamalayan ng mamamayan. Gayunding lumalakas ang peligrosong kombinasyon ng mpox at misimpormasyon, hindi na dapat maisahan ang mga Pilipinong una nang naging biktima ng kanilang pagsasawalang-bahala sa matitinding hamon.