
BIGONG PALAMLAMIN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang sigasig ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 12–25, 25–22, 25–13, 23–25, 13–15, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 26.
Sa kabila ng pagdausdos, nanguna para sa Lady Spikers si Kapitana Angel Canino matapos umukit ng pambihirang triple-double na tala kabilang ang 25 puntos, 17 dig, at 16 na reception.
Pinangunahan naman ni Player of the Game Angge Poyos ang pagpasan sa mga taga-España tangan ang double-double performance mula sa 28 puntos kasangga ang 16 na dig.
Nangangapang sinalubong ng Berde at Puting koponan ang unang set matapos maglipana ang kaliwa’t kanang error upang palobohin ang kalamangan ng España-based squad sa sampu, 12–22, hanggang sa tuluyang sinikwat ni Poyos ang yugto sa bisa ng umaatikabong down-the-line hit, 12–25.
Ininda man ang nakasisilaw na presenya ni Poyos sa opensa pagdako ng ikalawang set, 6–11, isinalansan ni DLSU middle blocker Amie Provido ang tayog ng depensa sa net upang tuldukan ang hantungan para kay UST opposite hitter Regina Jurado, 25–22.
Sumibol naman para sa opensa ng Lady Spikers ang tambalang Lilay Del Castillo at Provido matapos ipamalas ang kompletong dominasyon sa ikatlong yugto, 15–6, bago magwakas ang set dulot ng error ni Poyos, 25–13.
Matapos ang dominanteng kabanata, nanlamig ang puwersa ng DLSU sa kahusayang ipinamalas ni playmaker Cassie Carballo kasabay ng nakaririnding bulyaw ng madla mula España upang palawigin ang tudlaan sa ikalimang set, 23–25.
Maagang pumorsyento si Kapitana Canino sa huling kabanata matapos magpakawala ng magkakasunod na atake, 7–3, ngunit nagawa itong sagutin ni Jurado upang itabla ang sagupaan, 12–all, at kalaunang ikinandado ang tagumpay para sa UST, 13–15.
Bumulusok ang Lady Spikers sa ikaanim na puwesto dala ang 1–2 panalo-talo kartada, na siyang susubukang pagbutihin ng koponan kontra sa sandatahan ng University of the Philippines Fighting Maroons sa parehong lugar sa darating na Linggo, Marso 2.