
NAUPOS ang ningas ng De La Salle University (DLSU) Lady Batters nang hindi makapalag sa mga tirada ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Softbelles, 9–12, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Pebrero 25.
Agad na nagpakitang-gilas ang Lady Batters sa pagratsada ng unang inning matapos makapuntos kontra sa nangangatal na Tiger Softbelles, 2–0, ngunit sinagot ito ng España mainstays ng isang run upang pagdikitin ang talaan, 2–1.
Sumilay ang pag-aalangan sa Berde at Puting kampo matapos punan ng mga tigre ang bawat base, subalit matagumpay na naagaw ni Lady Batter Ciarina Eder ang bola at naihagis sa kakampi dahilan upang hindi makapagtala ng puntos ang magkabilang grupo sa ikalawang inning.
Bunsod ng matinding palo ni DLSU player Tiffany Labargan sa outfield pagdako ng ikatlong inning, nakapagtala siya at si Kapitana Cassandra Inot ng run, na siyang sinundan ng puntos ni Glecilyn Alipato upang tuluyang palobohin ang kalamangan ng Taft-based squad, 5–3.
Sa kabila ng pagsumite ng maagang kalamangan, bigong makapagpundar ng puntos ang mga taga-Taft sa ikaapat na inning na agad sinamantala ng mga tigre tangan ang dalawang marka, 5–all.
Humagupit ng sunod-sunod na tira si Lady Batter Jeryll Duller sa ikalimang inning upang muling ibalik sa Taft mainstays ang bentahe, 8–6.
Gayunpaman, hindi nagtagal ang pamamayani ng luntiang hanay nang magrehistro ang mga UST ng dalawang run, na pinaigting pa ng isang mabigat na error mula sa DLSU sa pagtatapos ng ikaanim na inning, 8–12.
Sinubukang makabangon ng Lady Batters sa huling inning, ngunit nanatiling pabor ang ihip ng hangin sa lungga ng mga tigre bunsod ng kanilang sunod-sunod na out, 9–12.
Ibinahagi ni Lady Batter April Gonzales sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na kinakailangan pa nilang pagtuunan ng pansin ang mga nagawa nilang error na isa sa malaking bahagi ng kanilang pagkalugmok.
“Mayroon naman po kaming palo pero kailangan pa po namin ilabas lahat ng palo namin. Hindi po maayos ‘yung palo at pati na rin po ‘yung bantay. Kagaya na lang din kanina [na] nagkaroon kami ng 7 errors,” dismayadong sambit ni Gonzales sa APP.
Sa kabilang banda, tatangkaing dagitin ng Lady Batters ang kanilang unang panalo sa torneo kontra Ateneo de Manila University Softball Team sa parehong lugar sa darating na Sabado, Marso 1.