Kilos, bayan!: Sanib-puwersang paglaban sa katiwalian at kakulangan ng pondo sa edukasyon 

Kuha ni Florence Osias

NAGMARTSA ang mga estudyante at kawani ng iba’t ibang paaralan sa kahabaan ng Taft Avenue patungong Liwasang Bonifacio, Maynila upang isagawa ang protestang bayan, Enero 31. Kasama ang iba pang progresibong grupo, nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) para sa pananagutan ng administrasyong Marcos Jr. at iginiit ang pagpapatalsik kay Bise Presidente Sara Duterte sa ilalim ng programang “Kilos, Bayan! Laban sa Kahirapan, Korapsyon, at Kawalang Pananagutan.”

Nagsilbing kulminasyon ng isang linggong serye ng mga aktibidad ang malawakang kilos-protesta na pinangunahan ng ACT-Teachers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang sa mga aktibidad ang mga talakayan at candle-lighting na nagbigay-diin sa isyu ng pag-abuso sa pondo ng bayan sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte at ang pagtuligsa sa pagbawas ng badyet para sa sektor ng edukasyon ngayong taon.

Ginigibang pangalawang tahanan

Patuloy na dumaranas ng kahirapan ang mga guro dahil sa mababang sahod at kakulangan sa kagamitan sa mga paaralan. Lalong lumala ang kanilang kalagayan matapos bawasan ng Php12 bilyon ang badyet ng Department of Education ngayong 2025. Binigyang-diin ni Hogier Villarias, pangulo ng Manila Public School Teachers Association –  ACT-Teachers National Capital Region Union, sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), na maaaring gamitin ang ibinawas na halaga upang dagdagan ang mga materyales pangturo ng mga guro at bilang ng mga instruktor sa mga paaralan. 

Binigyang-diin din ni Villarias ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang pasahod at benepisyo sa mga guro. Mariing niyang idinagdag, “Dahil kung ang guro ay unsupported, marami pa siyang iniisip. [Katulad ng] pagbabayad ng ilaw, pagbabayad ng bahay, ang kaniyang pangangailangan sa buhay, at bukod doon hindi na niya gagastusin pa [ang sarili niyang sahod] para sa pangangailangan sa paaralan.”

Sakaling hindi magbunga ang mga kilos-protesta, isiniwalat ni Villarias na pinag-aaralan nila ang posibilidad ng mass leave sa mga paaralan. Bagaman hindi pa ito isang kongkretong plano, binigyang-diin niyang karapatan ng bawat isang magwelga upang matugunan ng gobyerno ang hinaing ng taumbayan. Ibinahagi rin niyang maaaring mangyari lamang ang mas mataas na antas ng paglaban sa posibilidad na magpatuloy at lumala ang pagtrato ng gobyerno sa sektor ng edukasyon.

Itinakbong pondo

Kinondena ni Jazmin Llana, tagapangulo ng De La Salle University Committee on National Issues and Concern, ang patuloy na pagpapahirap ng administrasyong Marcos-Duterte sa mamamayang Pilipino. Itinuro ni Llana na ang serye ng alegasyon ng korapsyon laban kay Duterte sa sektor ng edukasyon ang naging mitsa ng pagkakaisa ng mga guro at estudyante sa kilos-protesta.

Batay sa pahayag ng propesor sa APP, binubuo ng pribadong sektor, hindi ng gobyerno, ang pondo ng mga paaralan, lalo na sa antas ng kolehiyo. Imbes na tapyasin ang badyet na nakalaan sa mga paaralan, sinambit niyang obligasyon ng gobyernong mas taasan pa ang pondo para sa sektor ng edukasyon upang mas maraming kabataan ang makinabang.

Ipinanawagan din niya ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa lumalalang katiwalian sa pamahalaan. Paalala ni Llana, “Nandiyan sila [sa posisyon] hindi para sa sarili nila, [kundi] dahil hinalal sila ng mga mamamayan.” 

Hinikayat ng propesor ang bawat mamamayan na paigtingin ang pakikiisa sa mga pagkilos laban sa panggigipit ng administrasyong Marcos-Duterte. Batid niyang mas mapalalakas ang paglaban sa pamamagitan ng matalinong pagboto sa darating na Halalan sa Mayo at masusing pag-aaral sa mga isyung panlipunan.

Karapatang hindi abot-kamay

Dumalo rin sa naturang mobilisasyon si Anakbayan Vito Cruz Chairperson Francis Mendoza, dala-dala ang panawagang itigil ang patuloy na pagkaltas sa badyet ng sektor ng edukasyon at pigilan ang lumalalang pagtaas ng matrikula sa kolehiyo. Iwinika ni Mendoza sa APP na kakabit ng mga isyung ito ang tuluyang pagliit ng pondong nakalaan para sa pagpapaayos ng mga pasilidad sa mga paaralan.

Giit pa niya, “Dapat magbigay rin ng mas mataas na budget allocation para sa mga scholar [at] kabataan na pumapasok sa mga private academic institution. Lalo na ngayon, panahon na naman ng tuition fee increase [TFI] ‘di ba sa mga private academic institutions? So, tutulan ang TFI sa mga private academic institution at para naman sa [State Universities and Colleges] SUCs at [Local Universities and Colleges] LUCs, dapat taasan ang budget allocation for education sector.” 

Ipinamalas ng mga miyembro ng sektor ng edukasyon at iba’t ibang progresibong grupo sa naturang kilos-protesta ang matatag na pagkakaisa ng sambayanan upang panagutin at singilin ang kasalukuyang administrasyon. Inaasahan ang higit pang pagpapatibay ng pagsasanib-puwersa ng taumbayang hindi matitinag sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan at hindi na hahayaang makalusot muli ang mga mandarambong sa bayan.