Mahirap, ngunit kinakailangan

Minsan masusumpa mo na lamang talaga ang bulto-bultong pasakit ng pagiging mamamahayag. Mula sa puyatang pag-aabang sa mga nagbabagang balita, dibdibang pananaliksik para sa mga artikulo, at pagsuong sa mga mapanganib na sitwasyon, hindi masisisi ang pagkabagot sa larangang tinatahak.

Estudyanteng mamamahayag ang bansag sa aming hanay ng mga mistulang ususero at ususera sa bawat kilos at pangyayari sa De La Salle University (DLSU) at maging sa kalakhang lipunan. 

Nagsisilbing behikulo para sa ating pamayanan ang mga mamamahayag pangkampus upang imulat ang kabataang susunod na paglilingkuran ang bayan. Gayunpaman, hindi nagwawakas sa hirap ng trabaho ang mga suliraning kinahaharap ng mga estudyante sa bokasyong ito, dahil nananalaytay ang mga butas sa proteksiyong dapat sumasalag sa bawat publikasyong pangmag-aaral. 

Taong 1991 nang ipasa ang Campus Journalism Act na sumasaklaw sa mga karapatan ng bawat estudyanteng mamamahayag at organisasyong kanilang kinabibilangan. Masasabing bubot at kailangang repasuhin ang naturang batas—lalo na sa panahong talamak ang panre-redtag at ang pang-aabuso mula sa administrasyon ng bawat kampus.

Mahigit dalawang dekada matapos itong isabatas, sinubukang pagtibayin ang karapatang mamahayag sa mga paaralan at pamantasan sa wangis ng Campus Press Freedom Bill. Nakapaloob sa naturang panukala ang ilang probisyong magbibigay-pangil sa mahinang pundasyon ng naunang batas, partikular sa pagpapataw ng parusa sa paglabag sa nilalaman nito at sa espesipikong paraan ng paglikom ng pondo para sa mga pahayagang pangkampus.

Masasabi kong masuwerte kahit papaano ang mga pangkat na tulad ng Ang Pahayagang Plaridel na nasa puder ng DLSU. Paminsan-minsan, nagkakaroon ng alitan o seryosong usapan sa badyet, lalo na sa pagpapalimbag ng diyaryo. Subalit, buo ang aking kumpiyansang suportado ng pamunuan ng Pamantasan ang pagpapatibay sa integridad at kasarinlan naming mga Student Media Group.

Hindi ko ito masasabi para sa daan-daang publikasyong pangkampus sa ating bansa. Salat na nga sa panghuhugutan ng pantustos ng kanilang paglalathala, nakaambang din ang panganib na mabusalan at mapahirapan ng mga institusyong dapat kumakalinga sa kanila.

Kinakailangang mapagpanday ang mga karapatan ng mga estudyanteng mamamahayag sa pagsasabatas ng Campus Press Freedom Bill. Maging hanggang ngayon, nakabinbin ang pag-asang lulan nito sa kamay ng mga naghaharing-uri sa Kongreso.

Totoo, maraming mas kagyat na suliraning kinahaharap ang Pilipinas para bigyang-pansin pa lalo ang hinaing ng mga mamamahayag pangkampus. Gayunpaman, nakapaloob sa ating mga batayang karapatang pantao ang kalayaang maglahad ng katotohanan—isang bagay na ating tinitiyak na matatamasa ng mga susunod na henerasyon sa paghubog ng mga kritikal na mamamahayag.

Isang kalbaryo ang pagtibayin ang katotohanan sa panahong nilulunod ito ng kaguluhan, giyera, at mga kumakalam na tiyan. Tunay na mahirap, ngunit kinakailangan.