
INAPRUBAHAN ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang pangkalahatang dagdag-sahod para sa mga manggagawa mula sa pribadong sektor ng National Capital Region (NCR) noong Hunyo 2024.
Tumaas ang arawang sahod para sa mga empleyado ng non-agricultural sectors ng rehiyon mula sa dating Php610. Umabot naman sa Php608 ang halaga ng panibagong arawang sahod para sa mga manggagawang nagmula sa agrikultural na sektor at mga service and retail establishment na may 15 o mas mababang bilang ng trabahador.
Inaasahang makatutulong ang umento upang tuluyang iangat ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawa sa bansa. Subalit, hindi tiyak na landas tungo sa kaginhawahan ang naturang kautusan gayong maaaring hindi ito maging sapat upang sugpuin ang epekto ng matinding pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Balanse sa interes
Ipinaliwanag ni Atty. Edwin Orate, abogado ng RTWPB, sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga salik na isinasaalang-alang ng pamahalaan para sa pagbibigay ng umento. Pahayag niya, “Kabilang ‘yung inflation. Other than that, kino-consider pa rin ng board ang marami pang ibang factors na puwedeng magamit. Very basic [diyan], consumer price index at purchasing power of the peso.”
Nanindigan si Orate na sapat na ang Php35 na dagdag-sahod sa kasalukuyan. Inilahad niyang lima mula sa pitong miyembro ng board ang sumang-ayon dito–isang pananaw na taliwas sa matagal nang panawagan ng National Wage Coalition (NWC) para sa Php150 taas-sahod. Naniniwala si Orate na bagaman posibleng maipatupad ang kahilingan ng mga manggagawa, nakasalalay pa rin ito sa ibababang mandato ng Kongreso.
Isa rin ang ipinapataw na interes ng mga negosyante sa mahahalagang salik na binibigyang-konsiderasyon ng RTWPB sa pagpapataas ng suweldo ng mga manggagawa. May posibilidad na hindi matustusan ng mga negosyo, lalo na ng mga Micro, Small, and Medium-sized Enterprise (MSME), ang umento. Bilang tugon, inilunsad ng ahensiya ang isang exemption program na malalahukan ng mga MSME.
“Kailangan balansehin ‘yan palagi. Minsan, hindi pumapayag ang labor, kasi syempre kasi ipinaglalaban talaga nila ‘yung [karapatan] nila. Pero ‘yon lang naman ang trabaho ng board, ang balansehin ang interes,” masinsinang paglalahad ni Orate. Hinikayat din niya ang mga negosyante at manggagawang magtulungan upang mapalago ang ekonomiya ng bansa. Ipinabatid niyang bukas ang RTWPB sa anomang pag-alalay na maihahatid sa sektor ng manggawa, mga negosyo, at gobyerno.
Pagtimbang sa mga perspektiba
Sa usapin ng pagsulong ng dagdag na Php100 sa pambansang arawang sahod, inamin ni Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma sa Senadong kinakailangan pa ng mga MSME ng suporta mula sa gobyerno upang mapanatili ang kanilang mga operasyon.
Pinabulaanan naman ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, ang sentimiyento ni Laguesma. Hindi mauuwi sa pagkakasara ng mga naturang negosyo ang pagsulong sa mas malaking dagdag-sahod, dahil mababang porsiyento lamang ang kinakailangang ilaan para dito. Wika pa ni Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers, isang masusing paraan ang pagpapatupad ng karagdagang sahod para sa mga manggagawa upang magbigay ng hanapbuhay at payabungin ang ekonomiya ng bansa dulot ng umentong nagpapalaki ng bilang ng perang umiikot dito.
Pagtatambad ng datos ng IBON Foundation noon ding nakaraang Hunyo, makabuluhang taas-sahod at hindi pakitang-gawang mga polisiya ang nararapat matamasa ng mga manggagawa. Giit ng institusyon, “This [lip service or token amount] would be a disservice to millions of Filipino workers who genuinely need a substantial wage hike and who have yet to be justly compensated for their labor.”
Tinawarang halaga ng paggawa
Umaalma ang mga manggagawang Pilipino, tulad nina Maria Virgina Galgana, empleyado sa isang business process outsourcing na kompanya, at Ingrid Kimbal Galgana, E-commerce marketing officer, sa kakarampot na dagdag-sahod para sa kanila. Isinaad ng mag-ina sa panayam ng APP na hindi sapat ang ipinatupad na umento sa kita para sa kanilang pang-araw-araw na bayarin.
Nararapat umabot ang suweldo ng mga manggagawa sa Php1,400 kada araw para kay Maria at tumuntong kahit man lamang sa Php40,000 kada buwan ang matatanggap na sahod ng mga miyembro ng apektadong sektor, ayon kay Ingrid. Binigyan-diin din nilang marapat na maranasan ng mga nasa gobyerno ang paghihirap na pinagdaraanan ng mga manggawa. Salaysay ni Maria, “Sana makita nila kung paano mamasahe, matrapik, magpasikip ng sinturon, at maghagilap ng pera para sa mga biglaang pangangailangan.”
Itinuring din ni Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis na insulto ang umentong Php35 bunsod ng kakulangan nito sa pagtugon sa implasyon. Tahasan niyang inilahad sa APP na nagsisilbi lamang ang RTWPB para sa kapitalistang gobyerno at malaking porsiyento ng bunga ng lakas-paggawa ang nagiging kita lamang para sa kapitalismo.
Bilang karagdagan, tinutulan ni Adonis ang kasalukuyang sistemang panrehiyong pinagbabatayan ng dagdag-sahod sa bansa bunsod ng hindi pagkakalayo ng mga presyo ng bilihin sa NCR sa ibang rehiyon. Paninindigan niya, “Dapat talaga ang sahod ng mga manggagawa nationwide ay pantay-pantay at hindi nakabatay sa regionalized [wage system].”
Hindi kailanman magiging daan tungo sa pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ang mga panakip-butas na hakbang, gaya ng isang patak na dagdag-sahod. Sa halip, mas matimbang ang mga solusyong tunay na pinakikinggan at isinasali ang mga manggagawang Pilipino sa proseso ng pagdedesisyon. Patuloy mang isinasantabi ang kanilang mga daing, mananatiling mas malakas ang kanilang pangangalampag upang maisakatuparan ang pagtataas sa adyendang manggagawa naman.