
ISINUSULONG ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being (LCIDWell) at Legislative Assembly (LA) ang unang pag-enmiyenda ng Safe Spaces Policy (SSP) ng De La Salle University (DLSU). Pinagtitibay nila ang mga hakbang sa pagtugon sa mga nagbabagong pangangailangan ng pamayanang Lasalyano kaugnay ng diskriminasyon.
Ipinatupad ng DLSU at University Student Government (USG) ang SSP alinsunod sa Batas Republika Blg. 11313 o Safe Spaces Act of 2019 na layong labanan ang gender-based harassment sa mga akademikong institusyon noong 2020. Dinisenyo ang polisiya ayon sa mga partikular na salik na nakaapekto sa Pamantasan noong pandemya.
Paninindigang nakapaloob sa batas
Ipinabatid ni Dr. Estesa Xaris Que Legaspi, direktor ng LCIDWell, sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na LA ang unang lumapit sa kanila upang rebisahin ang SSP noong akademikong taon 2023–2024.
Ipinunto ni Legaspi na binubuo ang Pamantasan ng iba’t ibang sektor na kinakailangang isaalang-alang sa pagsusog ng polisiya. Isinalaysay ni Christian Derek Guerra, program coordinator para sa gender development ng LCIDWell, sa APP na inabisuhan nila ang lupong magsumite ng panukala bilang kinatawan ng mga estudyante.
Matatandaang inilunsad ng LA ang Amendment of Safe Spaces Act Survey at Pulse of Progress, isang focus group discussion, upang suriin ang mga epekto ng kasalukuyang bersiyon ng SSP sa mga estudyante noong ikatlong termino. Isinapormal naman ang mga suhestiyon ng lupon sa LA floor noong Hulyo 2024.
Giit ni Sai Kabiling, dating chairperson ng LA Committee on Students’ Rights and Welfare, sa APP, “Despite its intent, the policy has proven insufficient in creating a truly inclusive environment. This failure has fostered a climate of discrimination and marginalization for the LBGTQIA+ community and other minority sectors in the University.”
Tinalakay ni Kabiling ang mga kakulangan ng SSP na nagresulta sa kultura ng takot, katahimikan, at kawalan ng pananagutan. Kabilang dito ang hindi tiyak na mga patakaran sa pag-uulat ng mga reklamo at ang kakulangan ng angkop na parusa para sa mga lumabag sa batas.
Isiniwalat niyang maraming isyu ang naging kapansin-pansin sa pagbabalik ng face-to-face na moda sa Pamantasan. Patuloy ring nakatatanggap ang mga batch legislator ng mga reklamo ng diskriminasyon at harassment mula sa mga estudyante.
Nanindigan si Kabiling sa kagustuhan ng LA, Office of the President, at PRISM—ang opisyal na organisasyong pang-estudyante ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual, at iba pa sa DLSU—na iakyat ang panukala ng mga estudyante sa administrasyon ng Pamantasan. Gayunpaman, ipinabatid ni PRISM President Abijah Sta. Ana na hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila ang lehislatura.
Pagbabahagi ni Sta. Ana sa kaniyang panig, “Aside from bettering reporting procedures and mechanisms, and strengthening disciplinary measures, I also want to see efforts surrounding increased awareness and education of the policy itself and what rights students have.”
Inilalagay ng LCIDWell sa konsiderasyon ang mga legal na direktiba at prinsipyo ng DLSU sa pag-enmiyenda ng SSP upang hindi maisantabi ang identidad ng mga Lasalyano. Bukod pa rito, binibigyang-halaga nila ang pagbabago sa inter-aksiyon ng mga tao apat na taon mula noong ipatupad ang polisiya.
Samantala, ipinaunawa ni Legaspi na maaaring magkaroon ng tunggalian ang mga pananaw ng pamayanang Lasalyano dulot ng iba’t ibang henerasyong pinagmulan ng bawat sektor nito. Pinuri niya ang SSP para sa pagtatakda ng mga batayan ukol sa mga hindi wastong pananalita at pagkilos na marapat sundin ng lahat.
Kahilingan ng mga estudyante
Binibigyang-depinisyon ng SSP ang diskriminasyon, sexual harassment, bullying, at stalking, gayundin ang pagbibitiw ng mga opensibong pahayag at banta. Nakapaloob din dito ang mga ipinagkakaloob na suporta ng Pamantasan, partikular na ang counseling, legal assistance, academic accommodations, at medical care.
Nakasaad sa SSP ang mga hakbang sa pag-uulat ng mga kaso mula sa online form submission, in-person submission, o anonymous report hanggang sa proseso ng imbestigasyon. Nasasaklaw rin ng polisiya ang pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga kawani at estudyante, kagaya ng bystander intervention training, at paglulunsad ng mga awareness campaign ukol sa pagsulong ng ligtas na espasyo.
Inilatag ni Kabiling ang mga ipinapanukalang pagbabago ng LA para sa SSP. Layon nilang bigyang-atensiyon ang mga paglabag sa ilalim ng gender-based at cultural harassment. Magdaragdag din ng probisyon para sa kahulugan ng mga gender identity o expression at titiyakin ang kahulugan ng ilang termino, kagaya ng microaggression, catcalling, cyberstalking, profiling, at stigma.
Magtatakda naman ang USG ng mga online platform para sa paghawak ng mga ulat ng harassment at ng mga opisyal na mangangasiwa sa mga ito. Bibigyang-linaw rin ang proseso ng imbestigasyon at parusang katumbas ng bawat opensa. Bukod pa rito, pagtitibayin nila ang proteksiyon sa mga tauhang naghain ng reklamo at maglulunsad ng mental at akademikong suporta para sa kanila.
Tututukan ng USG sa mga pagsasanay ang pagpapalakas ng kamalayan sa paksa upang tukuyin at agapan ang mga kaso ng harassment. Ilalakip din nila ang SSP sa Lasallian Personal Effectiveness Program.
Magkakaroon naman ng mga alituntunin sa pagpapadala ng mga suhestiyon para sa pagrebisa ng SSP, alinsunod sa orihinal na probisyon nitong nagbibigay-kakayahan sa sinomang miyembro ng pamayanang Lasalyanong magmungkahi.
Estado ng mga rebisyon
Ibinahagi ni Legaspi na inaprubahan ng Council for Inclusion, Diversity, and Well-being na binubuo ng mga kinatawan mula sa mga sektor ng Pamantasan ang pag-enmiyenda ng SSP. Kasalukuyang kinakalap ng LCIDWell ang opinyon ng bawat sektor sa tulong ng konseho. Sa kabila nito, kinahaharap ng opisina ang hamon ng limitadong miyembro, sapagkat apat na kawani lamang ang bumubuo sa LCIDWell.
Inamin din ni Legaspi na hindi madali ang pagrerebisa ng polisiya at nasa panimulang yugto pa lamang sila nito. Gayunpaman, pinagsisikapan nilang makagawa ng malaking hakbang at malinaw na plano sa bisa ng mga timeline ngayong akademikong taon. Isinaad din ni Kabiling na hindi pa sila makapagbibigay ng tiyak na petsa para sa pagsusog ng SSP at nakikipag-ugnayan pa sila sa LCIDWell ukol sa kanilang mga susunod na gagawin.
Siniguro naman ni Kabiling na laging nakaagapay ang USG sa mga estudyanteng nakaranas ng paglabag sa kanilang mga karapatan. Pagtindig niya, “Mga kapuwa kong Lasalyano, ang pagrerebisa sa Safe Spaces Policy ay unang hakbang pa lamang upang makamit natin ang inaasam nating Unibersidad na ligtas mula sa iba’t ibang klase ng diskriminasyon at harassment.”