
UMALINGAWNGAW ang pangalan ni De La Salle University (DLSU) Green Archer CJ Austria matapos bakuran ang titulong Most Valuable Player (MVP) sa nagsarang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s 3×3 Basketball Tournament.
Matatandaang naipuslit din ng atleta ang gantimpala sa sinundang season. Mula rito, hindi na lumihis si Austria mula sa direksiyon ng korona nang maglathala ng sariling pagkakakilanlan sa UAAP bilang back-to-back MVP.
Sa ugong ng pagkapanalong nagmumula sa kaniyang mga yapak, isiniwalat ni Austria sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang layuning isukbit ang momentum tungo sa UAAP Season 87 Men’s 5×5 Basketball Tournament. Tinapos ng DLSU sa ikalawang puwesto ang pakikibakbakan para sa kampeonato ng paligsahan nitong Disyembre 2024.
Kultura ng pagkakaisa
Hindi maitatanggi ni Austria na tumampak ang kaniyang kumpiyansa mula sa pagkakalakip ng katagang MVP sa pangalan. Makabuluhang salik ang suportang natanggap ng 23-anyos sa kaniyang muling pagkahirang bilang pinakamahusay na manlalaro sa mga naturang edisyon ng UAAP 3×3 Basketball. Inilahad niya sa APP na hindi lamang ito isang personal na parangal, bagkus isa ring simbolo ng pinagsama-samang pagsisikap ng kanilang koponan.
Inamin ng atletang hindi niya inasahan ang muling paggawad sa kaniya ng titulo, sapagkat naging pantay-pantay ang mga kontribusyon ng bawat kinatawan ng Taft-based squad sa kanilang nakaraang kampanya. Kabilang sa nagpalakas ng damdamin ng Animo sina dating Green Archer Jonnel Policarpio at DLSU guard Earl Abadam. Binigyang-halaga rin ni Austria ang tulong mula sa kanilang mga tagapag-ensayong sina Gelo Vito, Miguel Aytona, at Joe Lipa upang hubugin ang kaniyang pisikal at mental na kalusugan.
Para kay DLSU Head Coach Topex Robinson, bukod sa pisikal na kakayahan, naging susi sa tagumpay ni Austria at ng buong Green Archers ang pagkakaisa at disiplina. Ipinaunawa ng tagapagsanay na bahagi ng responsibilidad ng mga manlalaro ang pagtiyak sa kapakanan ng bawat isa. Bunsod ng pinalakas na samahan, kasalukuyang kinikilala ang mga taga-Taft bilang isa sa pinakamahuhusay na pangkat sa kompetisyong pangkolehiyo.
Pagsupil sa mga pasanin
Sa pag-usbong ni Austria bilang isa sa pinakamagagaling na manlalaro ng UAAP, hindi siya nakaligtas mula sa masasakit na salita mula sa publiko—isang hindi maiiwasang bahagi ng buhay ng mga atletang nasa tugatog ng tagumpay.
Taas-noong pahayag ni Austria sa APP, “Maraming masasamang komento [tungkol sa akin]. . . [pero] hindi ko naman sila pinapansin. Kung wala naman sila rito araw-araw [at] hindi naman nila nakikita [ang] training namin, bakit ko sila pakikinggan?”
Binigyang-diin din ng manlalarong naging mas matatag ang pagkakabuklod ng kanilang grupo noong Season 86 kompara sa mga nagdaang taon. Ulanin man ng kritisismo, pinagtibay ni Austria na handa silang harapin ang anomang pagsubok sa kanilang landas.
Hiyaw ng tagumpay
Nang sumilay sa nakaraan, hamon ang bumalot sa paggunita. Matatandaang ilang hiyaw ng pagwawagi ang kanilang nadinig mula sa kabilang dako ng kort bago makamit ng Green Archers ang inaasam na panalo.
Sa patuloy na pagninilay, naungkat ng MVP ang kaniyang mga naging pagkukulang sa loob ng hardcourt. Isa ang shooting skills sa mga pinangangambahang aspekto ni Austria dahil sa pagkapako nito sa mababang porsiyento, partikular na sa kaniyang abilidad na magpasok ng free throws.
Sa kabila nito, nananatiling positibo si Austria bitbit ang pait ng kahapon at mga sakripisyong iniaalay sa pagpapabuti ng sarili. Sinisigurado niyang hindi yuyuko ang koponan sa hudyat ng buzzer at sa halip, titingala sa hiyaw ng pagbati mula sa madla.