Lady at Green Tennisters, binagtas ang magkasalungat na kapalaran

Retrato mula UAAP Season 87 Media Team

BINULABOG ng De La Salle University (DLSU) Lady Tennisters ang pugad ng Ateneo de Manila University Women’s Tennis Team, 4–1, ngunit dumausdos ang DLSU Green Tennisters sa puwersa ng University of the Philippines (UP) Men’s Lawn Tennis Varsity Team, 0–5,  sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Pebrero 23.

Indayog ng bawat yabag

Maagang dinomina ng Lady Tennisters ang sagupaan sa pagsalang ni Lady Tennister Jam Madis matapos sawiin ang kapalaran ng agilang si Chelsea Roque, 6–0, 6–0.

Gayunpaman, nalula si DLSU player Bea Gomez sa matayog na paglipad ni Althea Martinez sa pagsabak sa ikalawang singles match, 0–6, 3–6.

Hindi naman pinalagpas ni Kapitana Maikee Vicencio ang mga tirada ng kinatawan ng Loyola Heights na si Angela Buyante upang ipagpatuloy ang pangingibabaw ng Taft mainstays, 6–0, 6–0.

Bagsik ang sumalubong sa Ateneo duo na sina Audrey Ruiz at Reizel Coco nang tumambad sa kanila ang dominanteng tambalan nina Lady Tennister Arianne Nillasca at Ching Liwag, 6–0, 6–1.

Tuluyang tinuldukan ng magkasanggang sina Amor Idjao at Precious Miranda ang pag-asa ng mga nakaasul matapos lupigin sina Zaina Omar at Adriana Cabahug sa huling bahagi ng bakbakan, 6–0, 6–1.

Tumaliwas na mga palaso

Sa kabila ng tirik ng araw, naging madilim ang tinahak na direksyon ng pambato ng Taft na si Rupert Tortal kontra sa taga-Diliman na si Laucas Fernandez sa pagratsada ng unang singles match, 0–6, 1–6.

Dumanas din ng parehong bangungot si Green Tennister Yassan Al-Anazi matapos tambangan ni Diliman-based Tennister Lance Fernandez tangan ang malakidlat na forehand hit, 0–6, 2–6.

Parehong eksena ang hinarap ni Taft mainstay EJ Geluz matapos mautakan ng kinatawan ng Diliman na si Miguel Iglupas, 4–6, 4–6.

Sa kabila ng tangkang pag-arangkada, bigong makaukit ng panalo ang Berde at Puting tambalan nina Jose Bernardo at Darwin Cosca kontra sa mga Iskolar ng Bayan na sina Allen Rombawa at Rafael Liangco, 2–6, 5–7.

Tuluyan nang isinuko nina Taft duo Leyton Portin at Marcus Guinoo ang sagupaan sa kamay ng mga taga-UP na sina Reymund Goco at Andrei Jarata, 4–6, 5–7.

Panibagong direksiyon ng mga tirada

Sa kabila ng hindi inaasahang resulta sa unang araw ng torneo, ibinahagi ni Kapitana Vicencio sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang paalala sa Lady Tennisters. Aniya, “Ako, as a captain, sinabi ko sa teammates ko na una pa lang ‘to, hindi pa rito ‘yung tapos. Hindi pa rito mag-e-end ‘yung season.”

Malugod namang ibinahagi ni DLSU player Madis na ginagawa niyang motibasyon ang bigat ng hamon at tinitiyak na ibibigay niya ang kaniyang buong husay sa bawat laro para sa kaniyang koponan.

Ipinahayag din ni Green Tennister Geluz na naging balakid ang ingay ng crowd at problema sa kaniyang sapatos sa kaniyang laro laban sa kinatawan ng UP. 

“Gano’n talaga ang laro, may panalo at may talo. Pero this time, kami ‘yung nasa losing side. Good game pa rin, binigay namin one hundred percent namin sa laro. Bounce back lang. Babawi kami,” sambit naman ni Guinoo sa APP

Susubukan ng Green Tennisters na dagitin ang Adamson University Men’s Tennis Team upang maiukit ang kanilang unang panalo sa torneo sa parehong lunan ngayong Miyerkules, Pebrero 26.

Samantala, magbabalik-aksiyon ang Lady Tennisters bitbit ang kanilang 1-1 panalo talo baraha laban sa nagngangalit na National University Women’s Tennis Team sa parehong lugar sa darating na Sabado, Marso 1.