Mulat sa karimlan

Madalas sabihing kapag namulat na ang isang tao, kasalanan na ang pumikit. Subalit, para sa iba, iisang dilim lamang ang natatanaw, sarado man o bukas na bukas ang mga mata. Sa gitna ng hindi mabilang na isyung panlipunan sa bansa, tunay nga bang nakapikit pa rin ang mamamayan o nakamulat, subalit nasanay na lamang sa karimlan?

Nitong Oktubre 2024, nagsagawa ang Senado ng isang imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Sa nasabing pagpupulong, tahasang inamin ng dating pangulo ang pagkakaroon ng Davao death squad—isang grupo ng mga “gangster” na inatasan niyang pumatay ng mga kriminal noong alkalde pa lamang siya ng siyudad. Patunay ang pahayag na ito ng kaniyang kawalang pakundangang pairalin ang pagpaslang sa oras na nararapat sa kaniyang tingin.

Gayunpaman, patuloy na itinatanggi ni Duterte ang kaniyang pananagutan para sa libo-libong nasawi dahil sa extrajudicial killings (EJK) kaugnay ng giyera kontra droga noong panahon ng kaniyang pagkapangulo. Binigyang-diin niyang ginawa ang polisiya para sa ikabubuti ng bansa at nanindigang hindi niya kailanman inutusan ang mga pulis na pumatay ng mga walang kalaban-labang na suspek. Walang paghingi ng paumanhin o pagdadahilan, sapagkat aniya, ginawa niya ang kinakailangan.

Taliwas ito sa datos mula sa imbestigasyon ng International Criminal Court na nagsasaad na tinatayang hindi bababa sa 12,000 tao ang naging biktima ng EJK noong panahon ni Duterte. Kung hindi sa siyang nagsulong ng giyera kontra droga nararapat ibaling ang kasalanan, kanino? Karumal-dumal at kasuklam-suklam. Naghuhugas-kamay pa rin si Duterte sa lahat ng pananagutan sa programang kumitil sa buhay at pangarap ng napakaraming Pilipino. Hanggang ngayon, wala pa ring konsensiya ang pangulo ng nagdaang administrasyon para sa mga buhay na naging numero. Tila hinihintay na lamang niyang tuluyang mabaon ang kaniyang kalapastanganan sa pagkalimot ng mga tao.

Pamilyar ang ganitong estilo. Hindi ba’t ganitong estratehiya rin ang nagpalaya sa dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. mula sa pananagutan? Una, ikaila ang lahat ng pagkakasala. Ikalawa, sabihing ginawa lamang ang lahat dahil sa pagmamahal sa bansa. Ikatlo, sabihing wala siyang muwang sa lahat ng pang-aabusong naranasan ng pinamunuan. Panghuli, ulit-ulitin ang parehong naratibo hanggang dumating ang araw na tanggapin na ito ng mga tao bilang katotohanan. Gasgas man ang estilo, subalit, gumagana pa rin sa mamamayan. 

Kaya naman, sa hindi matapos-tapos na siklo ng pang-aabuso at katiwalian, nakapagtatakang paulit-ulit pa ring pinipili ng mga Pilipino ang mga politikong halang ang bituka. Base sa mga nagdaang eleksiyon, napatunayang anomang isyung kinasasangkutan, ibinoboto pa rin ng mga Pilipino ang mga taong nagmula sa mga politikal na dinastiya. Patunay rito ang naging resulta ng Halalan 2022 na nagpanalo kina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte—pawang mga anak ng mga dating pangulong sangkot sa pagkitil ng libo-libong buhay ng mga Pilipino.

Nakapanlulumong tingnan ang patuloy na pagkapit ng mga Pilipino sa mga politikong hayag ang pansariling interes at lantaran ang pagyurak sa karapatang pantao. Subukan mang imulat ng iilan, nananatiling nakapikit ang karamihan ng mga Pilipino sa pag-asang maaari pang magbago ang takbo ng bansa. Ika nga ng iba, pare-pareho lang namang tiwali ang mga politiko, kaya doon na sila sa may nagawa kahit tiwali. Sa ilang siglong pagkalugmok sa korapsiyon at pang-aabuso, naupos na rin ang pag-asa ng mamamayang makalaya pa sa salot ng lipunan.

Sa puntong ito, hindi na matatawag na nakapikit ang mga Pilipino—mulat na mulat ang masa sa karimlang bitbit ng pagmamalabis ng mga may kapangyarihan. Kung tutuusin, sila ang unang nakararanas ng pang-aabuso at sila rin ang araw-araw na naghihikahos para lamang mabuhay rito. Kaya naman, sa tuwing sasapit ang halalan, masisisi ba ang masa kung sa ilang dekadang pagmulat na tanging dilim ang natatanaw, hindi na nila magawang maniwalang may darating pang liwanag?

Sa nalalapit na Halalan 2025, nawa’y alalahanin natin, partikular na ng kabataan at mga may pribilehiyo, na hindi simpleng pagpikit lamang ang nagtutulak sa mga ordinaryong Pilipinong iboto ang mga kuwestiyonableng kandidato. Madaling manghusga, magalit, at manisi sa oras na makita ang resulta ng mga sarbey at maging ng mismong halalan, subalit kinakailangang tandaang magkakaiba tayo ng mundong kinamulatan. Hindi lahat ng tao, puno ng pag-asa, sapagkat para sa iba, isang pribilehiyo ang makatanaw ng liwanag sa gitna ng kahirapan.