Lady at Green Tennisters, nanlumo sa unang araw ng UAAP Tennis

Kuha nina Florence Osias at Chloe Tiamzon

NASINDAK ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tennisters sa angil ng University of Santo Tomas (UST) Female Tennisters, 1–4, at tindig ng University of the East (UE) Men’s Tennis Team, 1–4, sa pagsisimula ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Collegiate Tennis Tournament sa Rizal Memorial Tennis Center, Pebrero 22. 

Pagpalya ng tirada

Bigong masanggi ni Lady Tennister Bea Gomez sa pagbulusok ng unang singles match ang matatalim na tirada ng taga-Españang si Mica Emana at tuluyang isinuko ang unang bentahe, 0–6, 2–6.

Nakipaggitgitan naman sa ikalawang singles match si Kapitana Mikaela Vicencio sa pambato ng UST na si Kaye Emana matapos dalhin sa tiebreaker ang bakbakan, 3–6, 6–3, 6–all, ngunit kinapos sa dulo buhat ng pinaigting na opensa ng nakadilaw, 7–1. 

Tangan ang hangaring isalba ang tiyansang manalo, kinastigo ng pambato ng DLSU na si Jam Madis ang tigreng si Patricia Lim gamit ang mga naglalagablab na tirada, 6–3, 6–4. 

Pagdako sa ikaapat na sagupaan, tinangkang sabayan nina Taft-based duo Arianne Nillasca at Amor Idjao ang taktika nina España mainstay Debbie Gom-os at Judy Ann Padilla, ngunit bigo pa ring manaig sa huli bunsod ng mautak na volley ng mga tigre, 1–6, 3–6. 

Bigong bawiin ng tambalan ng Taft na sina Althea Liwag at Precious Miranda ang momentum nang matapos bigong makakuha ng marka kontra kina España-based duo April Bentillo at Judy Ann Padilla, 0–6, 0–6. 

Nangangatal na bisa

Isang liyab ng pag-asa ang ibinigay ni EJ Geluz sa Green Tennisters matapos asintahin ang tangkang pagsalag ng kinatawan ng Recto na si Gerald Gemida, 6–4, 1–6, 4–0.

Nagulantang naman si DLSU rookie Jonathan Bernardo matapos salubungin ang mapanghamong mga tirada ni UE player JB Aguilar hanggang sa hindi na niya nagawang salagin pa, 0–6, 1–6.

Hindi nagbago ang ihip ng hangin sa pagtungtong ng ikatlong singles match nang sumailalim si Yassan Al-Anazi sa kamay ng mapangahas na sugo ng Recto na si Jarell Edangga, 3–6, 1–6.

Sinubukan naman ng luntiang tambalan nina Marcus Guinoo at Darwin Cosca na wakasan ang paghahari ng mga taga-Silangan, subalit nagkulang pa rin ang kanilang mga taktika laban sa naglalagablab na puwersa nina Bryan Cinco at Romeo Largo Jr., 2–6, 6–4, 4–10.

Tuluyang lumagapak ang Berde at Puting pangkat sa ikalawang doubles match matapos bigong pabagsakin nina Green Tennister Leyton Portin at Enzo Enriquez ang dinastiya ng Recto, 3–6, 6–all, 6–8.

Hamon ng pagbawi

Bagaman nabigo sa unang araw ng kanilang kampanya, ibinahagi ni DLSU Team Captain Vicencio sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na masaya siya sa kaniyang naipakitang katatagan sa sagupaan sa kabila ng magandang simula ng katunggali.

“Medyo nagkulang lang ng strive pero alam naming kaya namin. So, for the next games, siyempre lalaban lang kami palagi,” pagbabahagi ni Gomez sa APP pagkatapos ng laban. 

Binigyang-diin naman ni Enriquez na marami silang kinapulutang aral sa naging resulta ng unang duwelo na kanilang pakatatandaan upang makabawi sa mga susunod na tapatan.

Ibinahagi rin ni rookie Bernardo ang kaniyang karanasan sa unang pagsalang sa UAAP, “What you really need to think about is look at the past–all the trainings, the hardships that you have went through–it will really just translate into the yearning for the win.”

Susubukang mag-uwi ng unang panalo ng Lady at Green Tennisters kontra Ateneo Women’s Tennis Team sa ika-10:30 n.u. at UP Men’s Tennis Varsity Team sa ika-2:00 n.h. sa Rizal Memorial Tennis Center bukas, Pebrero 23.