
PINAPUROL ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang tuka ng Adamson University Soaring Falcons, 25–19, 25–23, 25–19, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Volleyball Tournament sa FilOil EcoOil Centre, Pebrero 22.
Itinanghal na Player of the Game si DLSU veteran Noel Kampton matapos kumamada ng 24 na puntos mula sa 22 na atake, isang block, at isang service ace.
Kuminang naman para sa panig ng San Marcelino-based squad si Adamson middle blocker Mark Coguimbal nang nakapagtala ng walong puntos.
Walang takot na umariba sa unang set ang Green Spikers sa pangunguna ng mga atake ni Kampton, 8–1, bago nag-iba ang ihip ng hangin buhat ng magkabilaang error ng dalawang panig, 18–17, ngunit tuluyang binihag ni DLSU outside hitter Yoyong Mendoza ang Soaring Falcons sa bisa ng isang palo mula sa zone 4, 25–19.
Gitgitang salpukan naman ang tumambad sa ikalawang set nang biglain ni DLSU playmaker Eco Adajar ang Adamson gamit ang isang nakasusupalpal na block, 23–22, na kaniyang dinoble upang pagsarahan ng pinto ang palo ni Dan Gutierrez sa pagtatapos ng naturang yugto, 25–23.
Dominanteng kampanya ang ipinamalas ng Berde at Puting koponan sa huling bahagi ng salpukan matapos humataw ng 10 puntos si Kampton kaakibat ang pagtanggap ng regalo mula sa kalaban, 22–16, na siya ring sinundan ng power tip ni middle blocker Nath Del Pilar na tumapos sa bakbakan, 25–18.
Naitala ng Green Spikers ang 1–1 panalo–talo kartada matapos ang matagumpay na pagsalakay sa langkay ng Adamson. Sunod na makahaharap ng Taft-based squad ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa SM Mall of Asia Arena sa ika-9:00 n.u. sa darating na Miyerkules, Pebrero 26.