Isang taong paghihintay at dalawang taong pagkabawas sa paglalaro, itinakda ng UAAP residency rule

Dibuho ni Louisse Lauren Gonzales

IPINATAW ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa mga estudyanteng atletang lumipat sa miyembrong pamantasan ng organisasyon ang bagong patakarang nag-aalis ng dalawang taon sa kanilang abilidad na maglaro sa torneo. Bukod pa rito ang isang taong paghihintay ng mga apektadong manlalaro bago tumikada sa entablado ng UAAP, alinsunod sa dating residency rule. Unang inanunsiyo ni UAAP Executive Director Atty. Rebo Saguisag ang pinalawig na regulasyon sa isinagawang Season 87 Collegiate Basketball Press Conference nitong Setyembre 2024.

Samot-saring reaksiyon ang nakamit ng balita mula sa publiko at hindi rin nakatakas mula sa pag-alma ng ilang politiko. Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si De La Salle University Green Archer Mason Amos, dating miyembro ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, upang makuha ang kaniyang saloobin matapos ituring ng midya bilang isa sa pinakaapektado ng idinagdag na panuntunan. Ibinahagi rin ng punong tagapagsanay ng Green Archers na si Topex Robinson sa APP ang kaniyang opinyon sa kontrobersiyal na isyu.

Ugat ng patakaran

Isinabatas ng yumaong pangulong si Benigno Aquino III ang Batas Republika Blg. 10676 o Student-Athletes Protection Act na nagpapawalang-bisa ng isang taong pagkaantala sa paglalaro para sa mga estudyanteng atletang patungtong ng kolehiyo noong Agosto 2015. Sa kabila nito, iginiit ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na kinakailangang panatilihin ang isang taong residency sa mga atletang nakatapak na ng kolehiyo, ngunit nais kumatawan ng ibang paaralan upang maiwasan ang pamimirata ng mga manlalaro. 

Kasunod ng pagbabagong-anyo ng residency rules ng UAAP, binalot si Senadora Pia Cayetano, may-akda ng Student-Athletes Protection Act, ng matinding pangamba. Agad na ipinahayag ng senadora sa Manila Bulletin na maaaring makaapekto ang bagong patakaran sa personal na pag-unlad ng mga manlalaro.

Bukas naman sa diskusyon si Cayetano upang pag-usapan ang mga mahalagang tuntunin. Para kay Saguisag, handa rin ang UAAP Board of Directors na makipagdiyalogo sa senadora nang magkaliwanagan ang parehong partido at ang mga naapektuhan ng pagbabago sa sistema ng residency.

Hignaw ng hinaharap

Bagaman pamilyar, nagtataglay ng mas matinding hamon para sa mga collegiate transferee ang bagong regulasyon sa UAAP. Sambit ni Amos sa APP, “To be honest, it’s fair for them [in the UAAP], but for the athletes, it’s not fair. Because, if they were in our shoes also, they’d do the same thing if they had a better opportunity.” Gayunpaman, isinalaysay ng 21-anyos na si Amos na wala siyang negatibong pananaw sa nasabing panuntunan.

Kaakibat din ng bagong patakaran ang mga negatibong epekto nito sa bawat miyembro ng isang koponan. Hindi naging madali para kay Robinson ang naging pagbabago sa polisiya ng UAAP, lalo na dahil iniinda rin ng Green Archers ang maiinit na mata ng ilang tagasubaybay dahil sa paglipat nina collegiate stars Jacob Cortez, Kean Baclaan, at Luis Pablo sa Berde at Puting hanay.

Isinaad ni Robinson na magiging malaking hakbang para sa mga manlalaro ang lumipat sa ibang unibersidad. Pagbibigay-linaw ng tactician, “I was surprised na ganoon ‘yung naging decision. Kasi nga, where I’m coming from is ‘yung chance ng UAAP athlete. Not only basketball, but everything in sports in general, magkakaroon ng limitation.”

Sa kabila ng mga umalingawngaw na problema, naging matatag ang paninindigan ng mga opisyal ng UAAP. Buong tapang na ipinahayag ni Saguisag ang kanilang kahandaang depensahan ang ibinabang dekreto sa sitwasyong kailanganin. Inilahad ng direktor na nauunawaan ng UAAP ang iba’t ibang pananaw ng mga atleta, tagapagsanay, at tagasuporta ng mga pangkat. Subalit, ang pagpapatupad sa desisyong ito ang makapagbibigay-halaga sa mas mataas na kapakanan ng mga atletang hindi nararapat makompromiso kailanman.