Mga hakbang ng DLSU sa pagkamit ng titulong top performing school, binusisi

Kuha ni Emil Bien Alexis Yague

NAMAYANI ang talino at husay ng mga estudyanteng Lasalyano matapos mapabilang sa top 10 na pumasa ng board licensure examinations sa bansa noong 2024. Muli ring itinanghal na top performing school ang De La Salle University-Manila (DLSU-M) sa mga pagsusulit.

Nakapagtala ang Pamantasan ng passing rate na 77.11% sa May 2024 Certified Public Accountant Licensure Examination (CPALE), 100% sa May 2024 Chemical Engineers Licensure Examination (CELE), at 94.62% sa August 2024 Board Licensure Examination for Psychologists and Psychometricians (BLEPP). Napanatili ng DLSU ang perpektong marka sa CELE para sa ikatlong sunod na taon, samantalang tumaas ang BLEPP passing rate nito mula sa 88.24% noong 2023.

Kasanayan ng Pamantasan

Inilahad ni Dr. Arnel Uy, chair ng Department of Accountancy, na binabantayan ng kanilang departamento ang mga resulta ng CPALE. Ibinahagi niyang sinusuri nila ang mga maaaring isagawang hakbang upang mapataas sa 100% ang DLSU passing rate mula sa kabuoang 20 hanggang 30% national passing rate. Binigyang-tuon din ni Uy ang hamon ng paglipat sa online na pag-aaral noong pandemyang nakaapekto sa mga resulta ng nakaraang tatlong edisyon ng CPALE.

Ipinahayag ni Uy na malaking salik ang kurikulum ng Bachelor of Science in Accountancy (BSA) sa tagumpay ng kanilang alumni sa board licensure examinations. Matatandaang nirebisahan ito para sa akademikong taon 2024–2025. Paliwanag ni Uy, “Ang accounting, madaming pagbabago. . . ‘Yung napag-aralan ng first year or second year, pagdating mo ng fourth year, nagbago na. So ‘yun ‘yung nagiging challenge lagi.”

Kinakailangan naman ang hindi bababa sa 2.0 na grado sa mga prerequisite course ng BSA. Ibinahagi ni Uy na nagpapatupad sila ng mga forum, coaching session, at karagdagang klase para sa mga estudyanteng nais humabol sa mga aralin. Bukod pa ito sa Animo Review na inilulunsad nila upang tutukan ang paghahanda ng alumni sa CPALE.

Sa kabilang dako, ipinabatid ni Kyla Togño, pangulo ng Chemical Engineering Society, na isa sa kanilang mga layunin ang tulungan ang mga miyembro ng organisasyong maghanda para sa CELE. Ilan sa kanilang mga inisyatiba ang pagdaraos ng mga seminar at pagbibigay-oportunidad sa mga estudyanteng makipag-ugnayan sa mga propesyonal sa larangan ng chemical engineering.

Ipinahayag naman ni Togño na maaari pang pagbutihin ang kurikulum ng Bachelor of Science in Chemical Engineering (BS-CHE) upang tugunan ang mga pagbabago sa kanilang departamento kaugnay ng hybrid setup sa Pamantasan. Isa sa mga suliranin nito ang hindi angkop na pagtuturo ng ilang kurso gamit ang online na moda. Umalma rin siya dahil sa negatibong dulot sa pagkatuto ng mga estudyante ng pagsasabay-sabay ng maraming major course sa isang termino.

Sambit ni Togño, “Naniniwala ako na mahalagang kilalanin na ang curriculum ay pabago-bago. . . Magiging kapaki-pakinabang na gawin ang mga aralin na mas interactive at [may konsiderasyon] sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral. . . kahit na magkamali sila.”

Pagsusumikap ng mga Lasalyano

Binigyang-halaga ni Michelle Pablo, ikaapat na ranggo sa CELE, ang pagkintal ng disiplina sa sarili, pagbalanse ng oras, at paghahanda nang sapat kaniyang tagumpay sa board licensure exam. Ipinahayag din niyang bunga ang kanilang naitalang 100% passing rate ng lahat ng pagsasanay at karanasan mula sa Department of Chemical Engineering.

Dagdag pa ni Pablo, “We’ve been under several challenges, such as the difficulty of the courses and having to learn these courses through an online setup, that we have been honed as I could say, one of the most resilient set of [BS] CHE students to take the board exam.”

Isiniwalat naman ni Justin Calderon, ikasiyam na ranggo sa BLEPP, na hindi niya inasahang makapupuwesto siya bilang topnotcher, sapagkat nabigo siyang ipasa ang mga mock exam. Gayunpaman, tinukoy ni Calderon ang hands-on approach ng mga propesor ng Department of Psychology bilang rason sa likod ng magandang resulta ng DLSU sa BLEPP.

Mensahe ni Calderon sa kaniyang mga kapuwa-estudyante ng sikolohiya, “Nag-aaral tayo ng sikolohiya hindi lamang upang magsabi ng mga mali sa pag-iisip ng mga tao. . . Mas madaling aralin ang sikolohiya kung titingnan ito bilang isang paraan upang makatulong sa ibang tao.”