Bilangguan ng etika

Mga itim na rehas at yerong bubong na kinakalawang sa kalupitan ng panahon. Sa gitna ng huwad na kapaligirang gawa-gawa ng mga tao lamang, matiwasay kang naglalakad sa espasyo ng kalayaan sa loob ng piitan. Pinagmamasdan ang mga buhay na matang nakatingin pabalik sa iyo at sa kaginhawahan mong tila malayong tala sa sulok ng maliit nilang mundo.

Nauwi pa rin sa Manila Zoo ang labi ng Asian elephant na si Mali matapos sumailalim sa 11-buwang proseso ng taxidermy nitong Disyembre 2024. Sa pagbabalik ng walang buhay niyang pigura sa kaparehong gawi at lugar na pumatay sa kaniya, isang sampal sa harap ng etika at tunay na pagpapakatao ang ating muling iniinda.

Ayon sa inilabas na pag-aaral ng The New York Times noong 2019, namamatay ang karamihan ng mga elepante sa zoo dahil sa mga karamdaman kaugnay ng kanilang pagkakakulong, kagaya ng foot injury mula sa paglalakad sa semento. Ipinaliwanag ng tanyag na beterinaryong si Dr. Henry Richardson na nararapat na sama-samang maglakbay ang mga ito sa malalawak na lupain. Sa halip, nagdulot ang taliwas na trato kay Mali ng pasakit na kaniyang mag-isang pinagdaanan.

Pumanaw ang binansagang “world’s saddest elephant” mula sa congestive heart failure at pancreatic cancer—mga naiibang karamdamang natuklasan lamang ng Manila Zoo matapos magsagawa ng necropsy. Iginiit ng People for the Ethical Treatment of Animals na sanhi ang trahedya ng kawalan ng eksperto sa bansa. Muling pinatunayan ng zoo na wala silang kakayahang tugunan ang pangangailangan ng mga hayop sa kabila ng Php1.7 bilyong inilaan para sa rehabilitasyon ng institusyon noong 2020. Sa pagpapakilala ng panibagong biktima sa anyo ng liyong si Isla, ginagawang kasinungalingan ang konserbasyon gayong pawang koleksiyon kung ituring ng zoo ang dating malalayang nilalang.

Bilang estudyante ng kasaysayan at simpleng tao, mariin kong tinututulan ang karahasang nagbabalatkayong kultura at edukasyon. Sa lugar na tinagurian ni Manila City Mayor Honey Lacuna bilang bahagi ng kasaysayang matatagpuan sa lungsod, ano ang aral na nais niyang ipamana sa kabataang Manilenyo? Tanging kasakiman ng mga tauhan sa gobyerno ang perpektong naituturo ng Manila Zoo. Walang aral na mapupulot sa lugar na walang moralidad, kung saan sa pagtigil ng orasan para sa mga hayop na pinagsarhan ng kaisipan, hindi naaabot ang kinabukasang may katuturan.