#SaveMasungi: Tunggalian sa preserbasyon at kabalintunaan ng estado

Likha ni Ma. Paulyn Tabor

Patuloy na isinusulong ng Masungi Georeserve Foundation, Inc. (MGFI) ang preserbasyon ng Masungi Conservation Area (MCA) sa kabila ng banta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipawalang-bisa ang kanilang 2017 Memorandum of Agreement (MOA) na nagbigay-permiso sa mga inisyatiba ng MGFI sa protected area sa Upper Marikina Watershed noong Abril 2024. 

Saksi ang United Nations Sustainable Development Goals (SDG) Action Campaign na iginawad ang 2022 SDG Action Award sa MGFI mula sa mahigit 3,000 kalahok sa ilang taong pangunguna ng organisasyon sa pagpapayabong ng kagubatan at nasasakupan ng lugar. Bagaman lubos ang pagkilala sa kahalagahan ng georeserve sa lokal at internasyonal na entablado, patuloy itong nagagambala ng pagsalungat ng DENR sa mga gawaing pangkonserbasyon ng MGFI simula pa noong 2022. 

Santuwaryo sa Rizal

Nagtatago man sa mga bulubundukin ng Baras, Rizal, nagsisilbing santuwaryo ang Masungi para sa samot-saring anyo ng buhay. Kabilang na rito ang mga katutubong Dumagat-Remontadong naghain ng suporta para sa proteksiyon nito. Matatandaang sinimulan ang pangangalaga sa lugar noong 1996 at opisyal namang itinatag ang MGFI sa pangunguna nina Ann at Billie Dumaliang noong 2015. Ayon sa MGFI, tahanan ang georeserve ng mahigit 2,700 ektaryang bundok at lampas sa 400 uri ng halaman at hayop. 

Bukod sa mga pinoprotektahan nitong likas na yaman, bahagi ang Masungi ng Sierra Madre na natural na kalasag laban sa mga bagyong tumatama sa Luzon. Pinagtibay rin ni Vienna Lagdaan, isang opisyal ng MGFI, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ang kritikal na gampanin ng Masungi sa kalikasan at komunidad. Paglalahad niya, “‘Yung tubig kanlungan na pinoprotektahan namin is what protects and what provides water to more than 20 million Filipinos, especially sa Rizal and sa Metro Manila.”

Lumalabong kasunduan

Pinangasiwaan ni dating DENR Secretary Gina Lopez ang pagtatag ng MOA ng DENR at MGFI upang suportahan ang mga inisyatiba ng organisasyon. Makalipas ang pitong taon, napalitan ang nasabing kasunduan ng patong-patong na akusasyong ibinato ng kagawaran sa MGFI.

Ilan sa mga paratang na natanggap ng pundasyon ang kuwestiyon ng pagkalehitimo o pagkakaroon nila ng mga kinakailangang dokumento upang magkamit ng karapatan sa protected area, kabilang na ang paglabag sa rekisitong pagkuha ng pahintulot mula sa National Commission for Indigenous People. Pinabulaanan naman ng pamunuan ng MGFI ang mga nabanggit na alegasyon sa inilabas nilang pahayag sa social media noon ding Abril.

Ipinunto naman ni Lagdaan ang matitinding suliraning kinahaharap ng georeserve kaugnay ng maling impormasyong ibinabato sa pundasyon at sa nararanasang pang-aabuso sa lugar. Umusbong mula mismo kay DENR Secretary Toni Yulo-Loyzaga ang alegasyong may resort ang MGFI rito. Pinangatuwiranan ng DENR na sinasamantala ng MGFI ang pondong nalilikom nila sa pangongolekta ng conservation fee at paghahandog ng serbisyong panturismo. Bilang tugon, inimbitahan ni MGFI President Ben Dumaliang si Yulo-Loyzaga na bumisita sa Masungi, ngunit lumipas na ang dalawang taon at wala pa ring ibinibigay na sagot ang kalihim.

Sinubukan ng APP na kapanayamin ang DENR upang makuha ang kanilang panig, ngunit hindi ito nagbigay ng tugon sa Pahayagan.

Sa bingit ng peligrong kinahaharap ng estado kaugnay ng naturang MOA, muling nabubuksan ang posibilidad ng paglala ng pang-aabuso sa MCA. Lalong umalingangaw ang mga banta sa lugar bunsod ng limang pagtatangka ng pagkamkam sa lupa at tatlong quarry na nakansela sa tulong ng mga sumuporta sa kampanya ng grupo noong nakaraang taon. Pagsasalaysay ni Lagdaan, “So if aalis kami dito, walang maiiwan. . . Kailangan tandaan na dati na ngang naabuso ‘yung lugar from illegal logging to land grabbing [at] pag-uuling. Kung walang nakabantay o walang nangangalaga na tao, mauulit lang ulit iyon.”

Silungan ng kalikasan at kinabukasan

Kapalit ng proteksiyong hatid ng mayayabong na kagubatan ng Masungi ang panawagan sa mamamayang pangalagaan ito pabalik. Inihayag ni Dr. Katherine Buenaflor, environmental planner ng Ateneo De Manila University, sa APP na isang kolektibong responsibilidad ang pag-aruga sa kalikasan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang matiyak ang pangmatagalang epekto ng mga inisyatibang pangkalikasang mararamdaman hanggang sa mga susunod na henerasyon.

Bilang boses ng kalikasan, pinayuhan ni Buenaflor ang kabataang maging mapagmatyag sa pinagmulan ng impormasyong makikita sa social media at sa kredibilidad nito. Pinahalagahan din ng environmental planner ang pagsuporta sa mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng wastong kaalaman ukol sa pangangalaga sa kalikasan. Samakatuwid, binigyang-diin niya ang pag-iingat sa pagpapalaganap ng maling impormasyon sa publiko.

Higit sa pagkakakilanlan bilang isang respetadong geotourism site, nagsisilbing kanlungan ng maraming likas na yaman at armas laban sa matitinding kalamidad ang Masungi. Ngayong napipinto ang pagkaputol ng kasunduang pinanghahawakan ng mga nagtaguyod sa lugar, hindi malabong maging patunay ito ng epekto ng pagsasawalang-bahala at pagbibigay-priyoridad sa mga pansariling interes.

Sa realidad na maaari pang baguhin ng mga tagapangalaga ng kalikasan, gaya ng MGFI, nananatiling dehado ang samot-saring anyo ng buhay na nananahan at umaasa sa kagubatan. Para sa salinlahi ng kinabukasan, pag-apaw ng mga bahang abot-baywang, pagguho ng lupa, at tuluyang pagkaubos ng mga halaman at hayop ang kanilang aabutan. Malaki man ang banta sa kagandahan at kahalagahan ng Masungi, kasama pa rin ang bawat isa sa laban nito mula sa kamay ng mga sakim sa kapangyarihan.