Liwanag sa Araw ng mga Puso: Solaris 2025, isinakatuparan ng OTREAS

mula DLSU USG

PINANA NI KUPIDO ang puso ng pamayanang Lasalyano sa inilunsad na valentine’s bazaar at workshop sa De La Salle University (DLSU) bilang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, Pebrero 10 hanggang 14. Pinangunahan ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang selebrasyon sa temang “Solaris: Love Meets Light.”

Liwanag sa pag-ibig

Ibinahagi ni Athena Sy, Project Head for Operations ng Solaris 2025, na pangunahing layunin ng proyekto ang makatulong sa iba’t ibang inisyatiba ng University Student Government (USG). Pagsasaad ni Hart Llamada, Project Head for Activities ng Solaris 2025, hango ang temang “Solaris: Love Meets Light” sa pelikulang Tangled at sumisimbolo ito sa pagbibigay ng liwanag sa komunidad.

Inilatag ni USG Executive Treasurer Bianca Manzano ang iba’t ibang aktibidad sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso. Bukod sa bazaar bilang pangunahing atraksiyon, nagkaroon din ng dalawang workshop, photo booth, at isang open mic event. 

Isinagawa sa Solaris 2025 ang Rapunzel’s Workshop na binigyang-pokus ang paggawa ng mga bulaklak. Kabilang din sa mga aktibidad ang Lantern of Dreams na ibinida ang pagsulat ng mga hangarin sa isang lampara at ang pagsabit nito sa St. Joseph Hall Walkway. Inilunsad din ang Flynn Frames para sa mga mahilig kumuha ng retrato. Huling itinampok ang Magical Golden Night, isang bukas na konsiyerto na sinundan ng seremonya ng pagsisindi ng kandila.

“Nais namin pagsamahin at pagkaisahin ang mga Lasalyano sa masaya at parang festival na selebrasyon sa loob ng paaralan,” ani Manzano.

Pagsasaayos ng pagdiriwang

Isinalaysay ni Sy na sinimulan ang paghahanda para sa Solaris noong Disyembre 2024. Isinaalang-alang ng mga nag-organisa ang pakikipag-ugnayan sa mga negosyante, pagsasaayos ng mga dakong pagdarausan, paglalatag ng napapanahong aktibidad, at pagbubuo ng project team. Binigyang-pansin din ang mga marketing collateral at promosyon ng Solaris 2025.

Aminado si Llamada na nakaranas sila ng maraming hamon sa paglulunsad ng kabuoang proyekto bunsod ng kakulangan sa oras. Pagbabahagi ni Manzano, natapat din ang pagpaplano sa mga pagpupulong ng Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition and Fees. Dagdag pa rito, nagsikap ang Logistics Committee na makahanap ng mga posibleng concessionaire at partner para sa bazaar. Natugunan naman ang mga hamon sa pamamagitan ng maayos na komunikasyon at kolaborasyon sa iba’t ibang sektor na bahagi ng pagdiriwang.

Ipinabatid din ni Sy na tiniyak ang pagpapatupad ng likas-kayang pag-unlad sa pamamagitan ng paggamit ng mga lalagyan na maaari muling magamit. Dahil dito, nakatanggap ng diskuwento ang mga estudyanteng nagdala ng sariling lalagyan sa piling food stalls ng bazaar.

Inklusibong pag-ibig

Ipinahiwatig ni Manzano na ang pagtatampok ng makabago at inklusibong representasyon ng pag-ibig sa loob ng Pamantasan ang pangunahing adbokasiya ng mga nag-organisa ng proyekto. Dagdag naman ni Sy, layunin din ng bazaar na suportahan ang Lasallian Social Enterprise for Economic Development, DLSU Professors for the Upliftment of Society’s Animals, mga baguhang negosyante, at mga estudyanteng may sariling negosyo.

Inihayag ni Sy na susukatin ng kanilang grupo ang tagumpay ng bazaar batay sa kabuoang kita, interaksyon sa social media, at reaksiyon ng mga kalahok at tagasupora. Ilalaan ang malilikom na pondo sa mga inisyatiba ng OTREA, kabilang ang mga scholarship.

Pagsasaad ni Sy, pinagtitibay ng bazaar ang diwa ng masigasig na pagnenegosyo sa DLSU habang pinapalakas ang kultura ng suporta at pagtutulungan sa hanay ng mga Lasalyano.

“Gusto namin ipaalala na ang pag-ibig ay hindi lamang ipinagdiriwang sa Araw ng mga Puso, kundi sa bawat araw ng ating buhay,” ani Sy. Bukod pa rito, ipinarating ni Manzano na huwag limitahan ang kahulugan at konsepto ng pag-ibig—gamitin itong oportunidad na magbigay-liwanag sa kapuwa Lasalyano.

Perspektiba sa selebrasyon

Sambit ni Sean Evasco, ID 123 mula BS Civil Engineering, nakatulong sa pagkawala ng pagod ang mga inihandang aktibidad ng OTREAS sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso. Bunsod nito, nakabili siya ng kagamitang magugustuhan ng mga taong malapit sa kaniyang puso.

Nakita naman ni Evasco ang diwa ng suporta sa mga maliliit na negosyo at mga negosyong pagmamay-ari ng estudyanteng Lasalyano. “Nagkakaroon ng dahilan para magsama-sama ang mga estudyante hindi lang para sa pag-aaral kundi para sa mga kasiyahan din ngayong Araw ng mga Puso,” dagdag pa niya.

Pagsasaad ni Evasco, malaki ang isinaayos ng Solaris 2025 kompara sa nakaraang taon. Sa kabila nito, iminungkahi niyang pahabain ang pagdiriwang upang mabigyan ng sapat na oras ang mga estudyanteng makalibot sa bazaar at maranasan ang mga inihandog na aktibidad.