
MATULING PAGPITIK ng kamay sa gitna ng maaksiyong salpukan taglay ang mithiing pabagsakin ang kabilang hanay. Ibinalandra ng De La Salle University (DLSU) Esports Team ang kagila-gilalas na eksenang ito sa pinakaunang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Esports Tournament na bahagi ng pagsalubong sa panibagong kabanata ng torneo ngayong Season 87.
Sa pag-arangkada ng kanilang mga makina, ibinahagi nina Aaron Sablay ng Valorant Team, Kegan Yap ng NBA 2K Team, at Ryu Godoy ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) Team sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kanilang pagtanggap sa hamong pinturahan ng Berde at Puti ang mundo ng UAAP Esports.
Tanglaw ng buwan
Malubak na landas ang tinahak ng mga manlalaro ng Esports bago mapabilang sa UAAP. Pagbubunyag ni Yap sa APP, “At some point, it became na parang malabo, kasi hindi naging clear if matutuloy ba talaga ‘yung [pagsama sa amin sa] UAAP.”
Nagdilim man ang mga ulap, muling nasilayan ng mga estudyanteng atleta ang liwanag mula sa pag-agapay ng Office of Sports Development (OSD). Inilahad ni Yap na pinagkalooban sila ng OSD ng pasilidad sa Enrique Razon Sports Center upang higit na mapaigting ang kanilang mga pagsasanay.
Binigyang-halaga rin ni Godoy ang iba pang benepisyong hatid ng opisina, tulad ng mga kasuotang hindi libreng naibigay ng kanilang dating organisasyong Viridis Arcus (VA). Pagsisiwalat pa ni Godoy sa APP, “Pinagbayad kami ng [VA] para magkaroon ng jersey na ‘yon. . . Although may discount naman, kasi member kami or players, feel namin medyo may pagka-off lang din. Kasi, ba’t namin need magbayad?”
Kasangga ang OSD, naisakatuparan ng DLSU Esports Team ang mahahalagang preparasyon sa paghabi ng banderang mananatili sa hindi tumitigil na pagbugso ng mga pampalakasan sa UAAP. Kahit kilala na sa larangan ng Esports ang mga koponan ng Valorant at MLBB, nagkaisa ang isip ng mga kapitang sina Sablay at Godoy sa intensiyong pag-ibayuhin ang kanilang presensiya sa panibagong teatro ng pakikipaglaban. Sa pangunguna nina Sablay, Yap, at Godoy, matayog na ibinandila ng pangkat ang luntiang watawat sa pagtapak sa torneo.
Tatlong mukha ng tagilo
Sa pagkislap ng mga ilaw sa bawat sulok ng entablado, naaninag ng masa ang kinang ng mga esmeraldang minina gamit ang pursigidong pag-eensayo. Taas-noong binitbit ng Valorant Team ang dangal ng isang kampeon. Tangan ang kagalakan sa pagkamit ng ginto, hindi nakalimutang magpasalamat ni Sablay sa suporta ng kaniyang mga kasamahang tumulong magbigay-daan sa pagkahirang niya bilang Finals Most Valuable Player.
Bagaman hindi pinalad na maabot ang kampeonato, inamin ni Yap na hindi niya inasahan ang kaniyang pagtungtong sa pinal na yugto ng kategoryang NBA 2K bunsod ng matinding kompetisyon. Gayunpaman, determinadong pagpapahayag ng silver medalist, “In terms of the podium finish, I’m happy naman for what we placed. Pero, I believe. . . I could’ve did better and I could’ve won the first place, which I believe na I’m gonna be winning next season.”
Kasabay naman ng pagdilim sa lunan ng patimpalak, napundi ang dilaab ng MLBB Team matapos bigong makapasok sa Final Four sa kabila ng samot-saring tagumpay na natamo sa labas ng UAAP. Hindi malilimutan ni Godoy ang sandaling nabatid niya ang kanilang pagkatalo sa paligsahan, sapagkat naniniwala siyang sapat ang naging paghahanda nila sa hamon nito. Iniwan niya ang mensahe ng paghingi ng tawad at ang pangako sa pamayanang Lasalyanong pagkakabitin muli ang mga piyesang minsang nagdomina sa Land of Dawn.
Pagbalangkas ng tadhana
Sa pagpiglas ng DLSU Esports Team patungong UAAP, dala nila ang taos-pusong payo sa kabataang nais sumabak sa mundo ng Esports. Wika ni Sablay sa APP, “I think just play the game. Pero huwag ninyong papabayaan pa rin ‘yung inyong studies, kasi I think there’s a lot of uncertainties pa rin when it comes to Esports or even sports in general.”
Sukbit ang ikinubling dungog, lubusang pasasalamat sa kanilang mga tagahanga ang nais iparating ng Taft-based squad. Gayundin, hinihiling nila ang pagsama ng pamayanang Lasalyano sa pagpapatuloy ng kanilang biyahe bilang koponan, partikular na sa pagratsada nila sa susunod na season ng UAAP.
Walang takot na sinuong ng DLSU Esports Team ang dihital na sagupaan hawak ang lunggating umukit ng kasaysayan sa pag-usbong ng kalakalan. Sa kanilang muling pagsuong sa mga kinauukulang mapa, asahan ang isang rumaragasang puwersang handang gibain ang anomang balakid sa daan paakyat sa rurok ng pangkolehiyong larang.